First Person | Kuwentong #SM

(Photo by Carlo Manalansan/Bulatlat)

Ni DIMPLE PAZ-BONGANAY *

Nagpunta ako sa mall at bumili sa SM supermarket. Habang nakapila at nag-aantay para bayaran ang pinamili, nagflashback sa akin ang lahat ng mga nangyari noong nagtatrabaho pa ako sa SM Supermarket bilang isang cashier.

Madami na akong pinasukang trabaho para lang mai-survive ko ang pag aaral ko, pinakahuli ang SM sa lahat ng pinasukan ko. Pagka-graduate ko ng kolehiyo, nag-apply akong cashier sa SM supermarket kahit malayong malayo sa kurso ko dahil sobrang hirap na maghanap ng trabaho sa Pilipinas at siyempre, mas madaling magbyahe kumpara sa mga BPO companies na located pa noon sa Ortigas o ‘di kaya ay sa Makati.

Natanggap naman ako agad pero sandamakmak na requirements ang kailangan kong ipasa — health certificate, police clearance, NBI clearance, medical certificate. May mga kailangang bilhin at dapat kami rin ang bibili ng uniform at sapatos na sandals namin na sa kanila rin binibili. So, doon palang sa lahat ng ‘yun, di pa ko sumasahod ay 5K na agad gastos ko. Nu’ng nakumpleto na ang requirements ko, agad na nagpasa at pumirma ng contract, as usual contractual – 5 months kasama ang waiver na pinipirmahan na bawal kang sumali o bumuo ng anumang organisasyon habang nasa SM ka at number one doon ay bawal mag-unyon. Nagtraining pa kami ng isang araw kung paano paganahin at gamitin ang POS (point of sale o makinang gamit sa pagbibigay ng resibo), pagbabalot sa plastic at karton ng mga pinamili ng customer, at kung anu ano pa. Ibig sabihin, lahat ng ‘yun dapat marunong ka, dahil hindi lahat ng cashier ay may kanya-kanyang bagger, dahil ikaw mismo multi-tasking ka.

Sa ilang buwan kong pagtatrabaho sa SM, nag-i-in ako nang maaga, pero ang out ko ay higit pa sa walong oras. Ika nga ng mga matatagal na dun, “OTTY” or “Over Time Thank you!” Lagi naming reklamo ng mga katrabaho ko ay walang bayad ang overtime pero kapag late kami pumasok, bawas at hindi counted ang OT namin, at may baon ka pang report IVR (not sure at nakalimutan ko na pero Incident Violation Report ata ito). Anyway, memo ito na nagviolate ka at kabawasan para ‘di ka maregular.

Madalas na laging sobra din ang naire-remit namin dahil naiipon ang mga cents na minsan hindi na naisusukli sa customer, ganansya na naman si SM. Pero kapag na-short ka sa niremit mo ay bawas sa sweldo. Sa ilang buwan, madaming mga nakakausap na mga katrabaho ko ay iba-iba. Ang mga bagger at mga cashier na ang tawagan ay “buddy” bilang kasama sa trabaho – puro contractual din. May merchandiser or mas kilala sa tawag na “diser” na mga galing namang agency. Meron ding consignors na empleyado sa mga brand, may mga ilan ding regular gaya ng nasa customer service, mga manager, supervisor na mas madalas na makakaharap mo ay masusungit at laging ang mentality ay “customer is always right”, at “lahat ng ginagawa natin ay tulong natin kay SM.”

Kanina, habang minamasdan ang mga ngtatrabaho dun sa SM, naiisip ko ‘yung araw-araw na pagsasamantalang ginagawa sa kanila ng SM, esp. ‘yung mga cashier na habang tumatanggap ng pera ay hirap na hirap sa pagbabalot, habang ang mga bagger ay kandakumahog sa 3-4 na counter na hawak nila.Ang iba pang empleyado dun nakasimangot na dahil dapat nag-out na raw sila dahil 9am – 6pm lang pero mag-alas-otso na eh hindi pa pinapag-out.

‘Yung sistema ng SM na hindi makatarungan, yumaman dahil sa pagsasamantala sa mga manggagawa, hindi pa dahil magaling siya o anupaman. Yumaman siya sa pagbili ng murang lakas paggawa, OTTY, at higit sa lahat pinasahol pa ng matinding kontraktwalisasyon sa SM dahil walang seguridad ang manggagawa at walang mga benepisyo.

Patay na ang Contractual King pero patuloy ang legasiya ng sistemang kontraktwal sa loob ng SM. 99% ng kanilang mga manggagawa ay contractual kaya mas dapat i-expose ang kabulukan ng sistemang ito. Dapat patuloy na igiit ang pagpapatanggal ng kontraktwalisasyon, dapat ding imbestigahan at i-expose ang sistemang consignor na nagtatakip sa umaalingasaw na kontraktwalisasyon, Hindi dapat na pagbawalan ang mga manggagawa na mag-unyon, dahil ang mag unyon ay isang karapatan.

Manggagawang Kontraktwal, Gawing Regular! ()

*Ang nagsulat ay nagtrabaho sa SM noong 2011. Siya ay kasalukuyang volunteer ng Gabriela. Unang nalathala ang piyesa sa kanyang Facebook account.

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Salamat sa makatotoong pagsulat tungkol sa iyong karanasan sa pagtratrabaho sa SM na pag-aari ng yumaong Henry Sy. Masigasig at masipag daw si HS kaya yumaman siya ng todo-todo. Isang malaking kasinungalingan ito. Bakit? Ang nagpalago sa kapital ni HS ay ang parte ng trabaho ng manggagawa sa SM na inangkin ni HS, ngunit hindi binayaran. Sabihin natin na sa 8 oras na trabaho, naibalik na ng manggagawa ang bayad sa kanila sa 4 na oras, kaya ang ibang 4 na oras na halaga ng kanilang trabaho ay binulsa ni HS. Tawag dito ay “surplus” na trabaho at ang halagang ito ay ang ginamit ni HS para sa kanyang pansariling mga kailangan para mabuhay at ang iba ay idinadagdag sa paglago ng kanyang kapital. Ang orihinal na kapital niya ay matagal na niyang nagamit, kaya LAHAT ng nakamkam niya na kapital ay galing sa hindi binayaran na trabaho ng iba. “Bullet day” (balang araw), babagsak din ang ganitong sistema dahil darating ang panahon na hindi na matatanggap ng mga tao ang situasyon na sa trabaho ng karamihan ay konti lang ang nakikinabang. Ang trabaho ng lahat ay dapat para sa tamang kabuhayan ng LAHAT ng tao! Salamat at gunitain natin ngayong Enero 2019 ang pagka-martir kay Komrad Karl Liebknecht at Komrad Rosa Luxemburg ng Alemanya isang daan taon na ang nakalipas. Hindi tayo mga alipin, sugod mga kapatid!

Comments are closed.