Zamboanga siege 2

Ni MARK ANGELES

Alalahanin ang bakbakan:
Tatlong linggong singkad ng Setyembre
Pumatak sa kalendaryo ng kapalarang
Itinatak sa kalaparan ng Zamboanga.
May nagtanim diumano ng bandilang
Bangsamoro Republik—
Diversionary tactic
Nang malihis sa PDAF ang ngitngit
Ng daan libong taumbayan.
Daan-daan ang napaslang,
Daan-daan ang nasugatan.
May ilan pang lumpen-proletaryadong
Pinagbihis-MNLF, ginawang armado
Nang hindi mapawi ang putukan
At hindi malantad ang panlilinlang.
Alalahanin ang bakbakan:
Libo-libong residenteng naipit
Ang napilitang magbakwit.
Sa buwis ng bayan, iginuhit
Ang mapa ng pagbango’t pagtindig,
Ngunit pamayanan ng mga biktima’y
Itinindig sa ibabaw ng pusali.
Kapalarang isinumpa hanggang langit.
Alalahanin ang karunungan ng matwid:
Kapag nagsunog ng tulay
Sa mga walang makakapitan,
May magigibang tulay
Sa tuntungan ng kapangyarihan.

()

Share This Post