Isang mapagpalayang gabi

Ni MARK ANGELES

Isang mapagpalayang gabi, mga petmalung kababayan,
Mga kapwa ko mamamahayag at artista ng bayan.
Maraming bagay tayong dapat pag-usapan
Tungkol sa nasagap kong bulung-bulungan
(Bukod sa ang Benham Rise ay bahagi na ng 9-dash line):

Ang katotohanan at katarungan
Nasa mahaba nang listahan ng balak ipatukhang
Ng kulugong hari sa Malakanyang.
Karaniwang kulugo ay nawawala ng ilang buwan
Pero itong kulugo, pati mga kulugo niyang tauhan,
Kapit-tuko sa puwesto na parang walang kamatayan.

Dilawan ang hindi humalik sa kanilang singsing.
Kaya siguro dumarami mga dilawang balimbing.
Bawat Juan ay target ng riding-in-tandem.
Si Maria naman ay na-Mocha Uson ang Rappler.
Fake news kung mabisto, fiction at symbolism.
Mochang palpak, blogger daw kasi at hindi “journalism.”
May Pulong na sabit sa 6B shabu smuggling
Na mala-prinsesa ang debutanteng supling.

Nabunggo na tayo ng humahagibis na TRAIN
Na-Bong Go pa tayo ng 15B warship deal.
May araw din ang mga tinamaan ng lintik.
Husgahan man sila o hindi ng langit
Nasa ating mga kamao ang lupit ng hagupit
Araw-araw kumukulo ang ating himagsik.
Huwag matakot. Huwag mainip.
Malapit na natin silang mapatalsik.

()

Share This Post