Itigil ang Pagpaslang: 7 tula para kay Kian at iba pang biktima

Ni MARK ANGELES

Kabi-kabilang pamamaslang ang pamana ng rehimeng Duterte sa kasalakuyang henerasyon at sa mga susunod pa. Sinamantala pa ito ng mga abusadong pulis na pinakakawalan lamang sa kabila ng mga kalunos-lunos na pagkitil ng buhay ng mga mahina.

Hindi mapapatahimik ng bala at busal ang paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng extrajudicial killings. Higit pang naggigiit ang mga tinig.

Ang pagdagsa ng mga tula ay hindi lamang pakikiramay, kundi paggigiit ng katarungan at karapatang mabuhay ng mga naririto pa. Ang seryeng ito ng mga isinatinig na tula ang magbibigay ng testimonya sa karahasan ng kasalukuyang rehimen.

Paglalahad ng mga pangyayari ang unang dalawang tula.

Sa unang tula maririnig si Kian sa kanyang mga huling sandali. Isinulat ni Alexandra Javier at binigyang buhay ni Terence Krishna V. Lopez. Mahigit 53,000 ang nagbahagi ng teksto ni Javier nang i-post niya ito sa Facebook noong Agosto 18. Batang nobelista si Javier at tubong Cavite. Si Lopez ay kasapi ng Sikad, pangkulturang organisasyon na nagtataguyod ng karapatan ng maralitang lungsod at ng alyansa ng mga artista laban sa pamamaslang, Respond and Break the Silence Against the Killings (Resbak).

Isinulat naman ni Ipe Soco, kasapi ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) at ng Desaparecidos, mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala ang ikalawang tulang pinamagatang “Test.” Ayon sa mga saksi, sumisigaw si Kian, “Tama na po! May test pa po ako bukas!” habang siya ay binubugbog ng mga pulis.

Ang ikatlo at ikaapat na tula ay pag-aalay. Isinulat ni Raymund B. Villanueva ng Bulatlat at Kodao Productions ang “Para kay Kian Loyd ‘Pulong’ Delos Santos.” Pinatingkad nito ang kawalan ng hustisya para sa mga maralitang katulad ni Kian.

Ang tula naman ni Ronalyn V. Olea ay para sa ina ni Kian. Bilang isa ring ina, nakikidalamhati at naghihimagsik ang may-akda.

Ang ikalimang tulang “Isakdal” ay isinulat ni Lopez bilang pagtugon sa paghuhugas-kamay ng mga salarin at pagturol ng sisi sa biktima.

Isinulat ko ang ikaanim na tula na binigyang buhay ni Edwin Quinsayas, kasapi rin ng Sikad at Resbak. Ang “Abecedario ni Duterte” ay maikling pagsusuma ng madugong kampanya ng administrasyon laban sa maralita.

Ang huling tula, “Elehiya para kay Kian Loyd Delos Santos,” ay isinulat ng batikang manunulat na si E. San Juan Jr. at binigkas ni Quinsayas. Ipinapanawagan niya ang hustisya para sa biktima ng extrajudicial killings.

Sinimulang ilatlahala ang unang dalawang tula sa ikapitong araw ng pagpaslang kay Kian. Ang huling tula sa serye ay ilalathala sa Sabado, petsa ng libing.

Katarungan para kay Kian! Katarungan para sa lahat ng biktima ng walang habas na pamamaslang!

()

Share This Post