Hikbi ng isang batang pinagkaitan ng langit

TULA Ni MARY ANGELIQUE TACATA

Naririnig ko ang sarili kong hikbi habang kinakalampag niya ang pintuan
Para siyang isang hayop na gustong kumawala sa kanyang kulungan
“Tama na, tama na,” paulit-ulit kong sambit, sabay pikit
Tanging hiling ko lamang ay magising mula sa masamang panaginip.

Paulit-ulit kong sinubukang banggitin sa aking ina
Na ang mismo kong ama ang umaabuso sa aking kaluluwa
Ngunit, tanging iling at pagdududa ang tugon niya
“Ina, bakit parang bulag ka na sa katotohanang mismong ikaw ang nakakita?”

Gabi-gabi, sa tuwing ako ay pipikit
Pipilitin kong matulog at isipin na ito’y panaginip
Ang takot na namuo sa akin ay naging puot at galit
Wala na bang maniniwala sa mga salita ng isang batang pinagkaitan ng langit?

Binuksan ko ang aking mga mata, nandun pa rin ako sa sulok ng aking silid
Naririnig ko ang boses niyang binabanggit ang aking pangalan
Isang makatindig-balahibong tunog na gustong gusto kong kalimutan
“Bakit ako pa?” hiyaw ko sabay takip ng dalawa kong tenga.

Hinawakan niya ang magkabila kong braso sabay hila sa aking pambaba
“Ama, tama na,” putol-putol kong pagmamakaawa sa kanya
Hindi ko na siya kilala, iba na ang taong naninirahan sa loob niya
Kahit anong pagsusumamo ko ay wala nang makakapigil sa kanya.

Wala na akong magagawa, wala na akong mababago
Kahit anong respeto ko sa sarili ay wala na dahil nababoy na ang buong pagkatao ko
Alam kong hindi dapat, pero susuko na ako
Siguro’y eto na ang huli, tama na hindi ko na kayang ituloy ang laban – pipikit na ako, paalam.

Illustration by Mary Angelique Tacata
Illustration by Mary Angelique Tacata

()

Share This Post