Sapagkat tayo���y hindi lamang makata

Ni KENNETHFER NABO

Hindi lamang tayo mga makatang sagana sa salita
Ang isyu ng bayan ang winawagayway nating bandila
Tayo rin ang tinig ng naghihimagsik na sambayanan
Kasama ng masa’y moog sa bawat labanan.

Tayo ang makabagong Rizal
Ngunit walang pangalang nakaukit sa mga pidistal
Tayo rin ang makabagong Bonifacio
Mga magiting na rebolusyunaryo

Naghahangad tayo ng pagbabago kaya’t naghuhulagpos
Pinuputol ang tanikalang sa Inang Baya’y nakagapos
Kawing mula sa kolonyalista’t imperyalistang mananakop
Hanggang sa mga lokal na traydor at mandarahop

Hindi tayo makatang mayaman lamang sa mga salita
Tayo ay mga hukbo rin
Laksa-laksang sumusulong upang wasakin
Ang kulturang bumulag at umaliw sa atin sa pang-aalipin

Hindi tayo mga makatang hitik lamang sa mga salita
Hindi lamang tagalikha ng mga kanta at tula
Lakas rin tayong nagbibigay pag-asa
Gabay sa landas tungong paglaya.

Sapagkat tayo ay pinanday ng pakikibaka
Tayo ay rebolusyunaryong makata

()

*Si Kennethfer Nabo ay miyembro ng SILAB (Sining Alay sa Bayan) sa Davao.

Share This Post