Kapirasong Dugo (Alay sa mga Nanay at Tatay)

Ni AXEL PINPIN

I. Paano Binuo?
Pingkian ng pawisang katawan
habol ang halinghing ng digmaan
habang tinitiis ang gabing maalinsangan
at nang ang kapirasong dugo
ay hulmahin ng ulos at tuluyang mabuo.
Ito ang bunga ng inyong pagmamahalan
(At magkaminsan ay pagbubuntalan)
na may sangkap ng indayog ng balakang
at pagsasanib ng likidong hininga
ng nagsusuyuang sasapnan at sinapupunan.
Hindi ninyo iniinda ang pagod
mula sa maghapong pagkayod
dahil ang tanging nasa ng isipan. . .
mamaalam ang dalaw at obaryo’y mapunlaan.

II. Paghihintay
Siyam na tatlumpung pagsikat at paglubog ng Haring Araw
Ang ipinag-alala, ikinaligalig, ikinabagabag, at ipinaghintay.
Inaalagaan, ipinagnu-nobena, pinaasiman at sa bitamina’y sinusuplementahan.
Pinakikiramdaman ang mumunting sikad at ipinagsusulsi ng baru-baruan
Ang nakakasabik na paghalik ng liwanag sa may bahid-laman n’yang balat.
At sa nakakainip na paghihintay ng pagkalagas
ng kumukupas, kumukupis na dahon ng kalendaryo,
ang kapirasong dugo ay nagpanibagong-anyo.
Hindi na lamang dugo – may kaluluwa, may laman at may buto.

III. Mga Pangarap (Unang Bahagi ng mga “Sana”)
Sana’y maging inhinyero at magaling mag-Ingles
kailangang-kailangan ito sa mga bansang Middle East
Sana’y maging nars o doctor, o doctor na naging nars
upang syang gumamot sa inyong alta-presyon
Sana’y maging politiko, pinuno ng nasyon
Sana’y maging abogado, eksperto sa pagnonotaryo.
Sana’y maging pulis, sikat at laging laman ng dyaryo
Sana’y matupad itong pangarap at engrandeng balak
dahil di nais na kung saan lang masadlak
itong magiging pambato at paboritong anak.
Sana’y di magbubukid na bubungkal sa lupa
Sana’y di maging karpintero na sa mga pagawaa’y bubuo
Sana’y di obrero na laging madungis at mabaho
Sila ay mga amoy anakpawis na nga ay hindi pa tanyag at martsang-langgam sa lansangan ng mga tiyang humpak.

IV. Ang Pagdatal
Sumapit na ang oras na pinakaaasam
Paghihirapan, pagtitiisan ang tila Mayo Uno ng buhay
Iiiri, iiirap, ititiim, ibubukaka, halos matuyuan ng laway
Habang ikaw na nakapantalon ay nakapamay-awang
Sintayog na ng Smokey Mountain ang beha sa paghihintay
Ikaw man ay parang maiihi, mapapatai rin,
Kinakabahang tulad ng kabiyak, pinagpapawisan nang butil-butil.
Panalangin mo na sa mga misteryo ni Inay Mariang Magnificat
na sana’y sa pagitan ng hita lumabas at di sa tiyan
dahil malaking banta sa inyo ang gastos, strech mark at binat.
Operasyon . . .
Lagitikan ng gunting na pagulong-gulong
Sa pawisang gwantes na panay ang urong sulong
Walang pampangimay na sa kanya ay tumulong
heto’t hawak na ang natutunaw na sinulid at karayom.
Hay! Santo Niñong matibay! Hayun at nalagpasan
ang inahit na makipot na sipit-sipitan
nitong animo’y dagang bagong silang.

V. Ang Pag-aalaga…(Ikalawang Bahagi ng mga “Sana”)
Sana’y ang pagkakakita ng liwanag
ay maging tanglaw sa karimlan.
Sana’y ang unang uha ay mga salitang matalinhaga
at sigaw ng katotohanan.
Sana’y ang pinutol na pusod na isinabit sa kisame
ay mag-akyat sa dingding ng maraming plake
Sana’y inunan ay maging unan ng Bayan.
Sana’y ang munting hininga,
Sana’y ang pinahid na lamad at dugo
ay handang ibuwis upang ang lipuna’y mabuo.
Sana’y ang donselya pang isipan na tulad ng matabang punlaan
ay hindi mahasikan nitong binhi ng kasamaan.
At harinawa’y di magmana sa haring ugat ng kabuktutan.

()

Share This Post