Pagtupad sa pangako

Ni JAY MARS JACINTO

ang umaga’y isang kabalintunaan.
mga nagtipo’y tila mga kriminal
na lagi’t-laging pumapatay sa diwa
at mga bayani ng pag-aalsa.
buong palalong inako ni aquino
ang tagumpay
at mga nakamit laban sa diktadurya.
naroroon ba siya?
mainit na salita niya’y tumupok
sa lakong gintong panahon
at bumidang hindi na ulit
sa kahirapan at lagim
dulot ng kamay na bakal ni Marcos.
ang galing.
para siyang buhay na santo.

pero bakit ba sila naroroon, sa apat na araw,
harapan
sa mga mersenaryo ng dahas at kamatayan?

naroroon sila dahil magsasaka’y walang lupa,
manggagawa’y nasa ang sahod na nakabubuhay,
milyon ang walang trabaho,
maralita’y inampon ng panganib sa lunsod,
inalipin ng gutom,
sinapian ng mga sakit,
mga anak nila’y dinukot, tinortyur,
ginahasa, pinaglaho’t pinaslang,
namuhi sila sa panunupil, pang-aapi’t pangangamkam.
at alam nilang baya’y walang laya.

ang mga ito ang nagpakulo sa edsa.
hindi lamang para iluklok ang iyong mabuting ina.
na una namang pumatay
sa diwa ng mapangahas na pag-aalsa.

masaker sa mendiola?

naaalaala mo?

tulad ng mga rehimeng nakinabang
sa Edsa,
ikaw rin ay nangako.
na tila ikaw ang pinahiran
ng kalangitan
para tubusin ang mamayan sa karalitaan.
nagniningning kang nagdakdak ng tuwid na daan.
pero pabagsak na ang telon ng iyong palabas,
ang pangarap ng unang edsa’y
panaghoy pa rin sa bawat sulok ng bayan.

30 taon ng mga pangako.

tama na. tama na ang mga huwad na pangako.

ang hapo’y paninindigan sa diwa ng edsa
at pagtupad sa pangako sa bayan.
humadlang man ang mga pasista,
nanaig ang pagtutol. nanaig ang paglaban.
binuwag, sinalag, at inatake ang dahas.
napalo, nadapa, gumulong, hinablot, nasugatan.
pero alam natin kung saan patungo
ang ating kapangahasan…

sa tunay na gobyerno ng bayan!

()

Share This Post