Pasasalamat

Para sa Pangulo

Ni GLEN SALES

Salamat sa iyong tuwid na daan
Na hindi kailanman naging tuwid.
Sa napakaraming tumawid.

Salamat sa mga retorikang walang laman
Na pinapalakpakan ng iyong
Mga kaalyado tuwing SONA.
Puro bahagdan , puro bilang na
Hindi naman maintindihan ng kumakalam na sikmura ni Juan

Salamat din sa pagpain ng iyong mga kawal
Sa labanan na naging sugat sa kalooban
Na hanggang ngayon ay nagnanaknak
sa kanilang mga anak at kaanak.

Salamat din sa pagkandili
Mo sa mga aktibista
Sa paghahanap ng permit sa malulupit na paghihigpit
Nariyang gamitan pa ng kawad na nakasusugat ng laman.

Salamat rin dahil hangang sa kahuli-hulihan
Kamatayan ang pangalan sa hindi mo pagpirma
Sa omento para sa mga pensyonado.

Maraming-maraming salamat talaga sa iyo.
Dagdag na lamat at sugat ang iyong iiwan
Sa minamahal na bayan

Hinding- hindi ka namin malilimutan. ()

Share This Post