Ang bisita

Ni KERIMA LORENA TARIMAN

kanina lang,
tumama sa haligi ng kubo
ang punglo,
na gusto nilang ilibing
sa kanyang bungo.
at ngayon,
ang bisita ay naka-plasta
sa kanilang bangko,
ipinagtimpla ng kape,
inalok ng sigarilyo,
at hinayaang maligo
sa mapagpakumbabang banyo,
para maging presko ang pakiramdam
habang inuusisa,
ng kanilang mga bibig at mata,
mata at bibig,
maghapon, magdamag,
ng tanong at titig.

sa mapagmalaking tinig,
pinanghihinayangan nila
ang buhay ng bisita.
buhay, na kanina lang
ay gusto nilang kitlin.
“bakit mo ito inaaksaya
sa mga walang kakwenta-kuwentang bagay?”
tulad ng rebolusyon, sabi nila,
may halong awa, pakutya,
kahit sa tuwing bibigkasin nila
ang salitang iyon,
may laway sa kanilang lalamunan
na hindi nila malulon.
nag-iisip sila nang matagal,
na para bang abot ng kanilang kakayahan
ang malalim na pagmumuni.
“bakit hindi ka mag-asawa ng sundalo?”
ang mahusay nilang payo.
at sa puntong iyon,
masyado nang mausok.
kinakabagan na ang bisita
sa Hope na inaalok.

nang pinalisan na ang bisita,
pinisil nila ang kanyang kamay
at yinugyog ang kanyang braso.
ipinabaon nila ang pag-aalala
at mahuhusay na payo,
sa malulungkot na mata
at sa isang ngiting-aso.
sa isang ngiting katulad
ng sa askal
na nakita ng bisita
na nagkakalkal
ng galis
sa ilalim ng mesa
sa kampo. ()

Share This Post