Ang nakakalasong usok at ang plantasyon ng palm oil sa Indonesia

Una sa dalawang-bahaging artikulo tungkol sa plantasyon ng palm oil
Ikalawang bahagi: Paghahanda sa ekspansyon ng plantasyon ng palm oil sa Pilipinas

Ni CLEMENTE BAUTISTA
kalibutan

Usok. Nakakalasong usok.

Ito ang isa sa mga masamang idinulot ng malawakang sunog sa kagubatan o forest fire sa Indonesia na umabot na din sa iba pang mga bansa. Sa kalapit na bansang Malaysia at Singapore, tinatayang mahigit sa kalahating milyong mamamayan ang nagkasakit sa baga dulot ng nakakalasong usok o haze mula sa mga forest fire sa Indonesia. Tiyak na higit na marami pa ang naapektuhan at nagkakasakit sa mga probinsya ng Indonesia. Tulad ng Sumatra at Kalimantan na sa kasalukuyan, mayroon ng naitalang 45 milyon katao ang naapektuhan at sampung katao na ang namatay.

Maging ang Pilipinas ay apektado na rin, maraming probinsya sa Mindanao at Visayas ang inabot ng haze noong nakaraang mga linggo. Iniimbestigahan ang pagkamatay ng dalawang bata sa General Santos kung ito ay may kaugnayan sa nakakalasong usok mula sa Indonesia. Maaari ring abutin ang Metro Manila o Luzon kung magbabago ang ihip ng hangin papunta sa direksyon ng Hilagang Silangan.

Mga nasusunog na kagubatan sa Timog-silangan Asya noong Oktubre 14-21, 2015
Mga nasusunog na kagubatan sa Timog-silangan Asya noong Oktubre 14-21, 2015

Pero, ano nga ba ang dahilan ng sunog na ito sa kagubatan ng Indonesia? Ang sagot, mga plantasyon. Partikular, plantasyon ng palm na pinagkukunan ng langis o palm oil.

Kinakalbo ng mga pribadong korporasyon at panginoong maylupa ang mga kagubatan upang buksan ito sa operasyon ng mga plantasyon. At ang pinakamabilis at pinakamurang paraan ay ang malawakang pagsusunog ng mga kagubatan.

Ang Indonesia ang nangungunang bansa sa produksyon at pag-eksport ng palm oil. Noong taong 2012, 28 milyon tonelada ng palm oil ang inexport ng Indonesia. Ang industriyang ito ang pinakamalaking export-earner ng Indonesia bago ang coal at langis.

Sila rin ang may pinakamalawak na plantasyon ng palm oil sa buong mundo. Noong 2009 mayroon silang 7.9 milyong ektarya ng lupa na ginagamit bilang taniman ng palm. At noong 2012, naglaan pa ang kanilang gobyerno ng karadagang 18 milyon ektarya, ito ay halos 2/3 lupain ng Pilipinas, para sa parehong gamit. Dulot nito, sa parehong taon, naitala ang pagkawala ng 843,000 ektarya ng kanilang kagubatan. Ang Indonesia sa kasalukuyan ang may pinakamabilis na deforestation rate sa buong mundo.

Gayundin, sa operasyon ng mga plantasyon tumataas din ang insidente ng pagkakaroon ng sunog sa mga ‘peat lands’ o mga lupain na naglalaman ng nabubulok na materyal galing sa kagubatan na naipon sa matagal na panahon.

Ano ang ugat ng kahibangan na ito? Upang Kumita. Bilyon-bilyong dolyares sa produksyon ng palm oil o tinatayang $50 bilyon ang kinikita ng industriyang ito sa Indonesia kada taon. Kontrolado ng mga higanteng korporasyon sa pagkain tulad ng Unilever, Nestle at Protect & Gamble, Kellogg, Kraft ang produksyon at kalakal ng palm oil sa buong mundo.

haze2

Sa Indonesia, 43 porsyento ng produksyon ng palm oil ay kontrolado ng mga maliliit na prodyuser, karaniwan mga panginoong maylupa, 48 porsyento naman ang nasa mga pribadong korporasyon habang ang siyam na porsyento ay sa mga pampublikong korporasyon.

Nagdulot ng napakaraming problema sa Indonesia ang plantasyon ng palm.

Lumawak ang pangangamkam ng lupa mula sa mga katutubo at mga magsasaka. Tumindi ang kahirapan lalo na sa mga manggagawang magsasaka sa mga plantasyon at mga katutubo.

Laganap ang paglabag sa karapatang pantao. Panlilinlang at pananakot ang ginagawa nila upang itaboy ang mga mamamayan sa kanilang mga lupain. Ang mga komunidad na mariing tumututol ay ginagamitan ng dahas at militarisasyon.

Lumala ang pagkakasakit at bumagsak ang kalusugan na mga tao malapit sa mga plantasyon. Umalagwa ang matinding polusyon sa hangin, tubig at pagkain dulot ng haze at applikasyon ng kemikal sa plantasyon. Halimbawa, sa Kalimantan at Sumatra, ang polusyon sa hangin ay umabot sa 2,000 pollutant standard index (PSI), isang paraan ng pagsukat ng polusyon sa hangin. Ito ay mas mataas ng halos pitong beses sa normal na lebel na 300 PSI lamang.

Dulot ng polusyon dumami ang nagkakasakit sa baga, kanser, tuberkolosis, at diarrhea.

Pinapalala ng polusyong ito ang nararanasang kahirapan ng mga mamamayan. Malala ang malnutrisyon at kawalan ng kakayahan ng mga mamamayan na kumuha ng serbisyong medikal kapag sila ay nagkakasakit. Tumaas din ang insidente ng pagkamatay lalo na sa mga matatanda.

Larawan mula sa FaceBook post ni Steve Patriarco
Larawan mula sa FaceBook post ni Steve Patriarco

Gayundin, ang mabilis na pagkaubos ng laksang buhay dahil sa pagkawala ng kagubatan. Matampok dito ang pagkaubos ng mga orangutan at mga tigre sa Indonesia. Sa nakalipas na dalawang dekada, tinatayang 50,000 orangutan ang direktang namatay. Ito ay dahil sa pagkasira ng 90 porsyento ng kanilang tirahan sa pagkakalbo ng kagubatan dahil sa palm oil plantation. Ang orangutan ay importanteng hayop na may mahalagang papel sa ekosistema ng kagubatan sa Timog silangang Asya. Isa ito sa mga critically endagered species.

Sa usapin naman ng pagbabago ng klima, ayon sa pag-aaral ni Guido van der Werf, isang mananaliksik sa VU University sa Amsterdam, tinatayang nagbuga na ng isang bilyong tonelada ng karbon (CO2) o tatlong porsyento ng buong CO2 emission sa mundo, ang mga nakaraang forest fires sa Indonesia. Sa kinalaunan, maaari itong magdulot ng lalong pag-init ng temperatura ng mundo at pagpapalala sa epekto ng pagbabago ng klima.

Malinaw ang kahibangan ng mga dambuhalang korporasyon, panginoong maylupa, at gobyerno ng Indonesia sa pagpapalaganap ng palm plantation sa kanilang bansa.

Subalit hindi lamang Indonesia ang sinasalanta ng kahibangan at kaswapangan ng mga malalaking kapitalistang ito. Ang Malaysia, Thailand, Papua New Guinea ay patuloy na sinasalanta rin ng mga plantasyon ng kapitalista. Maging dito sa ating bansa, naglalaway ang mga dayuhan sa ating mayaman at malapad na lupain na pwedeng taniman ng Palm.

Ikalawang bahagi: Paghahanda sa ekspansyon ng plantasyon ng palm oil sa Pilipinas

enteng22

Clemente Bautista is the national coordinator of the Kalikasan People’s Network for the Environment. For comments, email him at secretariat@kalikasan.net. ()

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. Im grateful for the blog article.Really looking forward to read more. Really Great. – See more at: /main/2015/05/25/poor-maintenance-to-blame-for-lrt-collision-mrt-breakdowns/#sthash.Pk9FzzrB.dpuf

Comments are closed.