Kung ang mata ay bintana

Sa dawag ng kalooban
Bakit hindi natin suyurin
Ang gubat ng kanyang talambuhay?
Doon, maaari nating matagpuan
Ang humahataw na braso
Ng ama sa lupa ng haciendero
Doon, maaaring ipako
Ang ating paningin sa siklo
Ng paulit-ulit nilang pagkagupo

Kung ang mata ay bintana
Sa dawag ng kalooban
Bakit hindi natin akyatin
At ang loob ay pasukin?
Doon, maaari nating basahin
Ang mga katagang malalim na nakaukit
sa pader ng kanyang gunita
Doon, tuwid na nakaguhit
Ang kanyang nais. Mabigyan ng alwan
Ang bawat kaanak. May kurba
Ng pangyayaring malayo
Sa inaasahan ng pangangarap
Doon, maaari nating masalat
Ang lalim ng kanyang dusa’t
Babaw ng ating paghuhusga

Kung ang mata ay bintana
Sa dawag ng kalooban
Bakit hindi magawang lumingon
ng abala nating damdamin?
Doon, natitiyak ko, ibubulong niya
Ang awit ng kanyang buhay
Ang liriko ng pagiging nanay
At tatay sa kanyang mga anak
Doon, paulit-ulit na tutugtog
Ang nakasusugat na mga linyang
Muntik nang magahasa sa Middle East
Umuwi’t muling nanahan sa kalam ng tiyan
Tinulak pabalik sa ibayong dagat
Doon niyakap ng panlilinlang
At saka nanahan sa kulungan

Kung ang mata ay bintana
Sa dawag ng kalooban
Halina’t sumuot tayo
Sa kanyang katotohanan
Isa-isa nating itanghal
ang epiko’t kwentong
kanyang inuusal

(Para kay Mary Jane Veloso)

Ni Ram Hernandez
()

Share This Post