Labis-labis

Sobra naman kayo! Hindi naman lavish
ang selebrasyon ng ika-35 anibersaryo
ng LRTA. Sabi nga ni Administrator Chaneco,
mukha lang labis-labis kasi “Roaring Twenties”
ang tema ng party kaya strictly
kailangang magsunog ng libo-libo
para makapag-drag ang mga empleyado
ng 1920s era-inspired attires (black and white only).
Maliit na bagay. Isa pa, pipitsugin
ang pinagdausang Manila Grand Opera Hotel.
(Weno kung 5-star hotel with matching casino?)
Sampukol lang naman sa estasyon sa Doroteo
kung saan naglisaw ang mga libag ng Recto.
Weno kung nagtaas na’t lahat ang presyo
ng tiket ng LRT, maski pa na-hocus pocus
ang magnetic tickets at ila’y naging tiket ng bus?
Weno kung walang aircon ang ilang bagon
kaya para kang nasa loob ng pugon?
Weno kung dalawang bagon ang nagbanggaan
sa Monumento Station? Wala namang nasaktan
maliban sa driver — “tumama ‘yung kanyang ulo
sa dashboard, nothing serious naman.”
Weno kung tumatagas ang kisame sa kaunting ulan
at basang-sisiw ang buwis-buhay na mga pasahero?
Hindi nga nagreklamo ang mga may negosyo
at may bahay mula Baclaran hanggang Monumento
mula nang itayo’t nakawin ng LRT, 35 years ago,
ang kanilang kapiraso ng langit. Sobra naman kayo!

Ni Mark Angeles
()

Share This Post