Mining Act of 1995: Dalawang Dekada ng Disaster

Philex tailings dam
Philex tailings dam

KALIBUTAN
By LEON DULCE

kalibutan

2nd of three parts
1st part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng sinaid na yaman
3rd part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng karahasan

Masasabi bang ‘luntian’ na polisiya ang Mining Act of 1995? Alinsunod sa batas na ito, ang mga transnasyunal na korporasyon o TNC ng pagmimina ay naglalaan ng pondo para gamitin sa mga teknikal na pagsasaliksik at mga proyektong pang-corporate social responsibility. Tinatagubilin rin ng batas na sumunod ang mga korporasyon sa mga regulasyong pangkapaligiran tulad sa tubig, hangin, lupa, at iba pa.

Nasusunod ba ito? O nagsisilbing pantakip o palamuti lang sa madumi at mapanirang katangian ng industriya?

Sa oryentasyon pa lang ng Mining Act, malinaw agad na magdudulot ito ng pagkasaid ng likas-yaman at pagkasira ng kapaligiran. Natalakay sa naunang artikulo ang katangiang nakabatay sa export ng materyales at pinaghaharian ng mga dayuhang TNC ang pagmimina sa Pilipinas.

Maging prangka tayo: ang motibo ng mga minahan ay ang magkamal ng kita, lalo’t kilala itong high-risk na industriya kungsaan madaling malugi. Kaakibat nito, ang gobyerno ng Pilipinas ay nagbigay ng napakaraming insentibo katulad ng mga tax holiday at eksklusibong karapatan sa mga puno, tubig, at lupa.

Ito ang naghuhubog sa katangian ng industriya ng pagmimina: ang pag-ubos sa ang ating yamang minerales, sa pinakamabilis at mura —at dahil dito’y, marumi at mapanira — na paraan.

for Kalibutan Mining 1995 2nd 2

Disaster ng pagmimina

Pero sa nakalipas na dalawang dekada, naging mayaman sa kongkretong karanasan ang mga komunidad at mga kilusang masa na nagtaguyod ng mga syentipikong pag-aaral at pananaliksik sa mga epekto ng malakihang pagmimina sa komunidad at kapaligiran.

Hindi kukulang sa 20 na environmental investigative mission o EIM ang nailunsad ng mga progresibo, siyentipiko at maka-kalikasang mga grupo—sa karaniwan, isa kada taon mula nang maipasa ang Mining Act.

Sa mga EIM na ito, pinag-aralan ang epekto hindi lang sa kapaligiran kundi pati sa sosyo-ekonomikong kalagayan ng mga komunidad ng iba’t ibang proyekto ng malakihang pagmimina sa bansa. Nakikita na nagpatuloy lamang ang pabaya at mapaminsalang katangian ng mga malalaking minahan.

Nakita natin ito sa Marcopper mine disaster noong 1996, unang malaking disaster ng pagmimina matapos maisabatas ang Mining Act of ’95. May kasong ipinataw ang mga mamamayan noong 2005 laban sa Placer Dome, ang Canadian na kumpanyang nagmamay-ari sa Marcopper, dahil sa pagkamatay ng mga ilog at matinding pinsala sa kalusugan ng mga mamamayan, pero hindi pa rin nareresolba ito hanggang ngayon.

Sinundan pa ito ng serye ng mga kaparehong disaster. Ilan sa mga tampok ang 2004 mine spill ng TVI-Resources sa Zamboanga del Norte; 2005 mine spill sa Rapu-Rapu Island, Albay ng Australian na kumpanyang Lafayette na pagmamay-ari ngayon ng Korean na LG International; 2012 mine spill ng Nicua black sand mining sa Leyte; 2012 failure ng tailings dam ng Philex Mining sa Padcal, Benguet; At ang 2014 mine spill ng Citinickel sa Sofronio Espanola, Palawan.

Sa mga EIM na nilunsad sa karamihan ng mga minahang nabanggit sa taas, malinaw ang mga pagkakapareha ng kanilang mga kasalanan: tahasang paglabag sa mga regulasyon hinggil sa environmental impact assessment, pagdudumi o polusyon sa tubig at hangin, palpak na pagtatayo ng mga imprastraktura at pasilidad tulad ng mga tailings dam, kawalan ng proteksyon sa laksang-buhay at mga ekosistema, at pagsuway sa marami pang pamantayang pangkapaligiran.

Lahat ng kumpanyang nabanggit ay hindi lang isang beses nagkaroon ng mine spill. Nasuspinde ang Philex, Lafayette, Nicua at Citinickel, ngunit lahat ay nakabalik na sa kumersyal na operasyon o lumipat lang ng lugar pagkatapos magbayad (kung nagbayad man) ng katiting na danyos sa gobyerno. Sa kanilang mga kaso at paglabag, kulang o walang kumpensasyon na ibinigay para sa mga apektadong komunidad at sa rehabilitasyon ng nasirang kapaligiran.

Dahan-dahan na pagpatay

Hindi lang sa mga malakihang disaster makikita ang pinsala ng ganitong pagmimina. Saklaw ng mga nagdaang EIM ang lahat ng aspeto ng industriya mula exploration at extraction hanggang rehabilitasyon, at palaging may potensyal o aktwal na pinsala agad ito.

Sa exploration palang ng MRL Gold sa Batangas, halimbawa, kita na kaagad na potensyal na magdulot ng nakalalason na acid mine drainage dahil sa presensya ng minerales na pyrite sa mga kalupaang saklaw ng proyekto. Sa mine development na yugto naman ng FCF Minerals sa Nueva Vizcaya, nagdudulot na agad ng di-ligtas na lebel ng copper sa mga apektado nitong ilog.

A biologist from AGHAM testing the physico-chemical charactertics of the massively polluted Didipio River. (Photo by AGHAM/Kalikasan PNE/ Bulatlat.com)
A biologist from AGHAM testing the physico-chemical charactertics of the massively polluted Didipio River. (Photo by AGHAM/Kalikasan PNE/ Bulatlat.com)

Pagdating sa yugto ng extraction, tulad ng OceanaGold na nasa parehong probinsya, ‘mabagal na kamatayan’ ang iyong makikita sa unti-unti ngunit matinding polusyon sa tubig, hangin, lupa, at maging ingay. Ang minahan sa Rapu-Rapu na pag-aari ng Korean na kumpanyang KORES, na tinaguriang flagship na proyekto ng mining revitalization program ng gobyerno, ay pinipilit ngayong tumakas sa responsibilidad nitong linisin ang epekto ng kanilang minahan.

Parang dahan-dahang pinapatay ang mga komunidad na naaapektuhan ng araw-araw na operasyon ng mga malakihang pagmimina sa Pilipinas, lalo’t ang pangunahing naaapektuhan ng polusyong dinudulot nito ay ang pinagkukunan ng kabuhayan ng 70% ng populasyon: ang agrikultura. Hindi na nga nagsisilbi ang ganitong pagmimina bilang kasangkapan ng modernisasyon at mekanisasyon ng pagsasaka, binabansot pa ang pagiging produktibo ng mga sakahan at palaisdaan na dinadaluyan ng marumi at nilasong tubig.

for Kalibutan Mining 1995 2nd

Nagdudulot din ito ng malulubhang sakit at ultimo kamatayan sa mga halaman, hayop at maging taong naaapektuhan nito. Higit na pasakit ito sa mga magsasaka at mangingisda na kilala bilang pinakamahihirap na sektor sa lipunang Pilipino.

Matatawag mo pa bang ‘luntian’ ang Mining Act pagkatapos nito? Mas angkop pa siguro ang pula—hindi lang kulay ng laterite na lupang tumatagas mula minahan hanggang karagatan, kundi pati ng dugong dumadanak sa ngalan ng ‘seguridad’ ng mga proyektong ito. (ITUTULOY)

Si Leon Dulce ay ang kasalukuyang tagapag-ugnay ng kampanya ng Kalikasan People’s Network for the Environment. Ito ay ikalawa sa serye ng mga artikulo patungo sa ika-20 anibersaryo ng pagsasabatas ng Mining Act of ’95.

Please also read:
1st part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng sinaid na yaman
3rd part: Mining Act of 1995 | Dalawang dekada ng karahasan

()

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. what do you mean by itutuloy? nasaan na?

Comments are closed.