Sampung buwan mula ‘Yolanda’, 10 dahilan bakit dapat ipagpatuloy ang laban para sa hustisya

KALIBUTAN
By LEON DULCE

kalibutan

Mahigit 10 buwan na ang lumipas mula nang dumagundong ang Super Typhoon Yolanda, naitalang pinakamalakas na bagyong tumama sa lupa sa kasaysayan ng mundo.

Ipinagmalaki ni Pres. Noynoy Aquino sa kanyang State of the Nation Address na “hindi nagpatumpik-tumpik” ang tugon sa disaster ng pambansang gobyerno, at diumano’y mabilis na umabot ito sa yugto ng rehabilitasyon matapos lang ang walong buwan.

Naramdaman niyo ba itong iniyayabang ni Aquino? Mistulang alikabok na inihip ng hangin at dumampi lang sa aking noo. Heto ang 10 rason kung bakit ko nasabi ito:

1. Nawawalang tulong sa Yolanda. Ang Commission on Audit na mismo ang nagsiwalat: umabot ng P1.58 bilyon ang pondo sa emergency response sa Yolanda na di nilabas, sa gitna ng napakaraming di natutugunang pangangailangan ng mga nasalanta ng ‘Yolanda.’ Maging ang mga pagkain, damit, at iba pang materyal na donasyon sa ‘Yolanda’ na sumentro sa gobyerno ay nabulok o hindi napakinabangan.

Ilang buwan makalipas ng Yolanda, madilim pa rin ang kinabukasang kinakaharap ng mga biktima ng bagyo. Kuha ni Clemente Bautista/Kalikasan PNE Enero 2014
Ilang buwan makalipas ng Yolanda, madilim pa rin ang kinabukasang kinakaharap ng mga biktima ng bagyo. Kuha ni Clemente Bautista/Kalikasan PNE Enero 2014

Mapagkakatiwalaan mo pa ba ang kanilang P171 bilyong ‘Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan’ kung ganito sila ka-iresponsable sa nalikom nilang pondo noong nasa yugto palang tayo ng emergency response?

2. ‘Disaster pork.’ Hindi natin malaman kung saan na napunta ang P14.6 bilyong supplementary budget sa emergency response at P20 bilyong pondo sa rehabilitasyon sa Yolanda, na kinuha mula sa mga ‘disaster pork’ na pondo ng Kongreso at ng Presidente.

Gusto pang ipasa ng gobyernong Aquino ang P20.5 bilyong dagdag na disaster pork sa pinapanukalang 2015 badyet ng bayan.’ Ang ganitong programa sa disaster na reaktibo at bulnerable sa korapsyon at pamumulitika ay pagsesentensya sa lahat ng biktima ng disaster sa buhay na sadlak sa palagiang panganib.

3. Pribatisasyon at demolisyon, hindi rehabilitasyon. Pagpapalayas ng komunidad at pribatisasyon ng baybaying dagat ang ginawang solusyon para sa kaligtasan ng mga komunidad dito. Nagpataw ng ‘No-Dwelling Zone’ na polisiya na nagbabawal magtayo ng tirahan sa erya 40 metro o higit pa mula sa baybayin.

Paano ito gumagana? Simple: bawal magtayo ng bahay ang maliliit na residente sa mga NDZ, pero pwede ang mga resort, business processing and outsourcing, at iba pang economic zone. Pinagkakaitan din ng relief at iba pang suporta ang mga residenteng pinilit na muling manirahan sa mga NBZ.

4. Balik-bakawan sa gitna ng kumbersyon ng mga baybayin. Nangako ng P1-bilyong Mangrove Rehabilitation Fund ang gobyernong Aquino sa tantya nito na mahigit 1,400 ektaryang bakawan ang nasira dahil sa Yolanda. Mainam na hakbang ito, pero kailangan nating tanungin anong hakbangin ang gagawin ng gobyernong Aquino para arestuhin ang mga pangunahing banta sa ating mga bakawan.

Maraming banta sa ating mga ekosistema sa baybayin: mga komersyal na proyekto, economic zones, black sand mining, malalawak na fishpond, at iba pang porma ng kumbersyon ng mga baybayin—mismong mga proyektong gustong itayo ng gobyerno kapalit ng mga tabing-dagat na komunidad na papalayasin sa pamamagitan ng NDZ.

5. Kawalan ng suporta sa apektadong agrikultura. Ang Eastern Visayas ay agrikultural na rehiyon kungsaan halos 70 porsyento ng populasyon ay lumalahok sa pagsasaka at pangingisda. Sa pagsasaliksik ng mga siyentista mula sa grupong AGHAM noong Mayo, lumalabas na sa halos 1.5 milyong pamilyang lumalahok sa agrikultura, mahigit 6,000 na farm tools lang ang naipamahagi.

Tantya rin ng AGHAM na kinakailangan ng mga magsasakang apektado ng Yolanda ang mahigit 22,000 tonelada ng binhi ng palay, mahigit 200 tonelada ng binhi ng mais, at mahigit pitong tonelada ng binhi ng gulay. Bakit wala tayong nakikitang angkop na suporta ng gobyernong Aquino sa pinakamalaki at mahalagang sektor ng Eastern Visayas?

6. Tinatagong bilang ng nasawi. Maagang tinigil ng gobyerno ang pagkuha at pagbibilang ng mga katawan ng mga patay marahil upang itago ang nakakadismayang katotohanan: hindi lang 6,300 tulad ng ibinalita kundi mahigit 10,000 ang biktima — ang sabi pa nga ay mahigit 30,000 na body bag na ang kinailangan ng mga rescuer sa rehiyon.

7. Apektadong edukasyon. Bumukas ang pasukan ng mga paaralan noong Hunyo, pero 2,313 na classroom pa ang hindi napapalitan at 17,757 pa ang kailangang kumpunihin ng Department of Education. Apektado din ang kakayahan ng mga pamilya na magpaluwal ng gastusin sa pag-aaral, kaya dumagsa ang lipat ng mga mag-aaral mula pribado tungong pampublikong paaralan.

8. Usad-pagong na pagkukumpuni ng imprastruktura. Hindi pa naibabalik ang kuryente sa mahigit isang milyong kabahayang naapektuhan ng Yolanda, hindi stable ang mga koneksyon ng kuryente sa mga lugar na ito, at napakataas ng presyo ng kuryente sa mga lugar na apektado ng Yolanda.

Tuloy ang pasok ng mga estudyante sa mga wasak at walang-bubong na gusali ng Guian East Central Elementary School. Kuha ni Clemente Bautista/Kalikasan PNE Enero 2014
Tuloy ang pasok ng mga estudyante sa mga wasak at walang-bubong na gusali ng Guian East Central Elementary School. Kuha ni Clemente Bautista/Kalikasan PNE Enero 2014

Ang matindi pa, inabutan na ng mga panibagong bagyo at iba pang mga disaster ang hindi kukulang sa 14,500 na mga biktima ng Yolanda sa kanilang mga ‘tent city.’ Sa kabilang banda, wala pa rin tayong nabalitaan kung naresolba ba ang kontrobersya ng mga mababang kalidad ngunit tongpats na programang pabahay ng gobyerno.

9. Karbon, klima at pribatisasyon ng kuryente. Nabanggit din lang ang problema sa kuryente: patuloy pa rin ang pagdami ng plantang karbon, lalo sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas, na pangunahing nagdudulot ng greenhouse gas na emisyon na nagdudulot ng pagbabago sa klima.

Ganito pa rin ang tanaw ng gobyernong Aquino, na gustong ratsadahin ang pagtayo ng mga plantang karbon at pagrenta ng mga panandaliang de-gasolinang planta sa pamamagitan ng pagdeklara ng emergency powers. Yan na ba ang pangmatagalang solusyon sa krisis sa kuryente?

10. Militarisasyon sa mga ‘first responder’ sa disaster. Rehabilitasyon at pagbangon ang kailangan ng mga biktima ng Yolanda, hindi militarisasyon. Ginamit na dahilan ang pangangailangang tumugon sa Yolanda sa pagdisposisyon ng mahigit 2,000 sundalo sa rehiyon ng Eastern Visayas. Pinaglunsaran din ang rehiyon ng ‘Balikatan’ war games sa pagitan ng mga sandatahan ng Estados Unidos at Pilipinas.

Gayundin, pito (7) na kaso ng pagpatay ng mga nagtataguyod ng adbokasiya sa disaster na ang aming natatala sa ilalim ng gobyernong Aquino. Isa dito si Jefferson Custodio, myembro ng Municipal Farmers Association in Carigara (MUFAC) na tinambangan habang nagdadala ng farm tools sa mga magsasaka sa Leyte na apektado ng Yolanda.

May partikular ba kayong naiisip na gustong idagdag sa listahan? Ilagay lang sa comments section o ipadala sa aming email. Bibitbitin namin ang listahang ito sa aming pagmartsa papuntang Mendiola sa darating na ika-22 ng Setyembre para sa People’s Climate March kasabay ng UN Climate Summit sa New York.

Tiyak akong lampas 10 rason pa para tuloy nating ipanawagan ang hustisya para sa daan-libong mga biktima ng kriminal na kapabayaan ng gobyernong Aquino sa bagyong Yolanda. Iparating natin sa publiko ito. ()

leon3Leon Dulce is the campaign coordinator of the Kalikasan People’s Network for the Environment. He is also a spokesperson for the Environmental Network against Pork Barrel and Corruption.
For comments, suggestions, write them addressed to secretariat@kalikasan.net

Share This Post