Paggastos sa ICT ng Administrasyong Aquino, para kanino?

ROOT ACCESS
Rick Bahague

Bulatlat.com

rick_bahaguePatuloy na ginagamit ng Administrasyon ni BS Aquino ang Information and Communications Technology (ICT) upang kumalat ang dilaw na panawagan, dilaw na imahe, dilaw na hashtags at upang magkunwaring “transparent” at “accountable” sa mamamayan.

Noong 2011, isa ito sa walong bansa na nagbuo ng Open Governance Partnership (OGP). Bitbit pa rin ang slogan na “kung walang kurap, walang mahirap” ipinangalandakan nito ang labing-siyam na komitment na nagsusulong ng “transparency”, “citizen participation”, “ accountability”, at “technology and Innovation” sa pamumuno. Halimbawa, ibinida nito ang Foreign Aid Transparency Hub nang dumagsa ang pondo upang tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Ang FAiTH diumano ay nagpapakita ang “innovation” sa paggamit ng teknolohiya at “transparency” sa paggastos ng mga donasyon.

Subalit sa “Progress Report” [3] na binuo ng Philippine Center for Investigative Journalism, tatlo pa lamang sa mga ipinangako nito sa OGP ang natapos at apat lamang ang “on time.” Sa kabilang banda, naghahanap pa rin ng kasagutan ang mga donors sa nagpapatuloy na kalunus-lunos na sitwasyon ng mga survivors ng bagyong Yolanda. Hindi maipakita ng FAiTH ang maayos na pag-uulat ng mga pondo at distribusyon ng mga relief packs na dumaan mismo sa mga ahensiya ng gobyerno.

Inilunsad rin nito ang open data (data.gov.ph) portal. Katangian ng mga kahalintulad na portal ang pagkakaroon ng open data format na magpapadali sa partisipasyon ng mamamayan sa “audit” ng mga datos ng gobyerno at hikayatin ang pribadong sektor na gamitin ito sa pagbubuo ng mga apps at mga serbisyo sa ICT. Kailangan pa patunayan ng Administrasyon kung makakatulong nga ito sa pagsusulong ng “transparency.” Sa ngayon, tila backup system na lamang ang portal, idagdag pa na masalimuot maunawaan ang mga datos na inilagay dito ng National Economic Development Authority at iba pang ahensiya.

Matapos ang maingay na mga protesta laban sa Development Acceleration Program (DAP) at Priority Development Assistance Fund (PDAF), napilitan marahil ang Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng mga datos hinggil sa National Expenditure Program ng 2015. Ang mga ito ay maayos na nailagay sa open data format at magpapadali ng analysis. Kaya naman maaaring makabuo na ng iba’t ibang pagsusuri hinggil sa panukalang paggastos na ito sa 2015 katulad ng blog na ito [4].

Dagdag na pondo sa DPWH, IRA at pag-aayos ng mga kalsada

Mahigit 53.8% ng badyet para sa 2015 ay nakalaan sa Internal Revenue Allotment (IRA), Debt Interest Payments, Department of Education (DepEd), at Department of Public Works and Highways (DPWH). Aabot sa P390 B ang pondong ibibigay sa mga Local Government Units (LGUs) sa pamamagitan ng IRA, P373 B naman ang awtomatikong pambayad-utang ng bansa, P340B ang gagamitin upang suportahan ang mga programa sa edukasyon at P 300B naman ang inilaan sa mga proyekto ng DPWH.

Kung ihahambing sa badyet ngayong taon, kapansin-pansin ang dagdag na PhP 48.3B sa IRA. Mas malaki rin ng PhP 81.2B ang inilaan na badyet sa DPWH. Hinigitan ng badyet sa IRA ang palagian ng pinakamalaking bahagi ng badyet nang mga nakaraang taon, ang pambayad-utang. Naglaan rin ng dagdag na Php 62.5 B sa pagsasaayos ng mga kalsada.

Sa kabuuan, mas malaki ng Php 341.7B ang badyet ng Administrasyon sa susunod na taon.

Hindi kaila sa karamihan, ang paglobo ng badyet para sa mga LGUs, DPWH at pag-aayos ng mga kalsada ay paghahanda na sa darating na eleksyong 2016. Nawala man ang item na PDAF sa budget, napunta pa rin ang ilang “hard” at “soft” na alokasyon nito sa parehong mga ahensya.

Pondo para sa ICT-related budget items

Nadagdagan ng mahigit 139% ang pondo na nakalaan sa ICT, umabot na ito sa Php 25B. Nangunguna ang DepEd, DOST, DOTC, at DOF sa mga ahensiyang may malalaking budget hinggil dito.

Kailangan bantayan ng mamamayan ang mga bilyon-bilyong proyekto ng DepED sa Computerization (Php 8.5B), Revenue Information System ng Bureau of Internal Revenue (PhP 1.2B), Information System ng DAR (P366 M), mga pagpaplano sa paggamit ng ICT ng COMELEC (Php 295M), Judiciary (PhP 17M), DOH (PhP 119M), at DepED (PhP 96M).

Malaki ang pakinabang ng mga telco at mga pribadong kumpanya ng ICT sa badyet ng 2015

Mahigit 21.2% ng gastusin sa ICT ay direktang mapupunta sa mga kumpanya ng telecommunications (Telco) katumbas ng PhP 5.3B, 2.8% naman o PhP 709M ang ipambabayad lamang sa mga proprietary software at 52.3% ng badyet ang gagamitin sa pagbili ng mga bagong kagamitan sa ICT.

Nagkakahalaga ng PhP 14.5B ang apatnapu’t apat na bagong proyekto sa ICT at 5.4% nito o PhP 793M ang inilaan na sa mga consultants.
Nakababahala ang patuloy na “outsourcing” ng mga “IT functions” ng gobyerno. Balikan na lamang ang naganap sa Computerized System ng NBI at LTFRB na tila na-hostage ang gobyerno ng tumigil ang pribadong kumpanya sa pagbibigay ng serbisyo.

Mga proyektong dapat bantayan ng mamamayan

Ang Information and Communications Technology Office ng DOST (DOST-ICTO) ay may programang Digitization Empowerment Program na nagkakahalaga ng PhP 2.7B. Sa halip na bumili ng bagong mga laptop at desktop nais nitong umupa na lamang. Aabot sa 70% ng budget nito o PhP 1.88B ay mapupunta lamang sa pag-renta ng mga kagamitan. Sa kabilang banda, ang Revenue Information System din ng BIR ay may nakalaan rin na PhP 363M.

Natatali sa mga vendor ang gobyerno kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran.

Ang Office of Civil Defense ng Department of National Defense ay may budget na PhP 1.5M para i-upgrade ang website nito (http://ocd.gov.ph/) na ang huling aktibidad na naka-post ay noon pang 2012. Maraming mga website at portal na higit na kumplikado pa sa upgrade na gagawin ng DND ang hindi umaabot ng kalahating milyon. Malaki rin ang badyet na inilaan para sa website upgrade ng DENR, at NCCA.

Buo na ang BalinkBayan web portal ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) (http://www.balinkbayan.gov.ph/) Portal noong 2013, subalit may dagdag na budget pa rin ito na nagkakahalaga ng Php 11.361M. Ang CFO ay direktang nasa ilalim ng opisina ng presidente. Ito na rin yata ang pinakamahal na paraan upang ilapit ang mga OFW sa kanyang sariling bayan, na pangunahing layunin ng CFO.

Sa kabuuan ang gagastusin sa ICT ng kasalukuyang gobyerno sa susunod na taon ay malaking pakinabang para sa mga telco at mga pribadong kontratista. Sa kabilang banda, walang kasiguruhan kung magiging maayos ang mga serbisyong dapat sana ay napapabilis ng ICT. ()

References:
[1] http://www.dbm.gov.ph/?page_id=3001
[2] http://www.dbm.gov.ph/?page_id=10006
[3] http://www.opengovpartnership.org/country/philippines
[4] http://arnoldpadilla.wordpress.com
[5]http://nbviewer.ipython.org/github/RickBahague/ICT4P/blob/master/ICT%20Spending%20in%20the%202015%20NEP.ipynb
[6] https://github.com/RickBahague/ICT4P

++++++++++++++++

Para sa mga pamilyar sa Python, maaring ma-download ang python notebook na ginamit sa artikulong ito upang pag-aralan ang mga datos mula sa DBM website. Maaaring i-akma ang notebook sa pag-aaral ng ibang bahagi ng proposed NEP 2015. Ang Python Notebook ay matatagpuan sa [5]. Maaari rin ma-download sa github [6].

*Ang Computer Professionals’ Union ay nagsasagawa ng Communications Surveillance & Information Security Briefings para sa mga non-profits. Kontakin sila sa secretariat (at) cp-union (dot) com

Si Rick Bahague ay kasalukuyang national coordinator ng Computer Professionals’ Union. Siya ay masugid na taga-suporta, gumagamit at tagapagpalaganap ng Free and Open Source Software (FOSS). Marami-rami na ring web at database system na ginamit sa monitoring ng 2010 & 2013 Automated Election, human rights violations at iba pang people’s struggles ang kanyang nabuo gamit ang GNU/Linux, Drupal, PHP, MySQL, Python at iba pang FOSS.

Share This Post