Sa Aking Pagkadestiyero[1]

Ni JOI BARRIOS
Bulatlat.com

Ito raw ang ibig sabihin ng pagkakadestiyero:
a. sapilitang pagkakatapon sa ibang bayan;
b. kusang pagkawalay sa lupang tinubuan.

Ipinagluluksa ko ang sandali
ng aking pagpili
sa pangingibang-bayan.
Pero saang puntod luluha
at magtitirik ng kandila?
Wala, wala.

Nagpapalit-palit ng dahon
ang mga punong-kahoy,
Nagbibihis kahel at malamlam na pula
sa taglagas,
Nagpapalamuti ng rosas at puti
ng mga bulaklak ng tagsibol,
Ngunit balabal ko’y hapis,
Hapis lamang.
Anong makakapagsanggalang
sa lamig,
sa lumbay?
Wala, wala.

Nagbibilang ako ng mga araw.
Anong ipagdarasal
sa pasiyam,
Anong alaala ang ginugunita
sa ika-apatnapung araw
ng paglisan?
Nagbibilang ako ng mga taon,
At hanggang ngayon,
Walang iisang tugon sa tanong:
Paano mapapanatag
ang pusong naglayag?


[1] Pasintabi sa tulang “Aling Pag-ibig Pa?” ni Andres Bonifacio para sa mga katagang“wala na nga, wala.”


()

Share This Post