Grado

GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO

Bulatlat.com

Ang grado ay pag-uuri, kung ang isang bagay o nilalang ay mataas o mababang uri’t kalidad, kung ito ay angat o lagapak sa pamantayang sinasambit. Grinagrado ang isang artifact (papel, performance ng estudyante sa klase, quota ng manggagawa sa pabrika, paningin ng mata, at iba pa) batay sa panuntunan na may normal at may abnormal–abnormal na mababa, at abnormal na exceptional.

Ang normal ay hindi na kinukwestyon dahil ito ay may pwersa ng kasaysayan at institusyon. Nauna ito sa grinagraduhan, at may backing ang pamaraanan ng paggragrado ng institusyong naggragrado. Sa pamamagitan ng paggragrado, ang grinagraduhan ay pinamumukhang mas maliit na entidad kaysa sa aktwal at historikal na kapangyarihan ng nagragrado.

Ang grado ay pagpataw ng pag-uuri, ang tunguhin ng lahat ng proseso ng pag-uuri, ang paghuhusga ng institusyon o representatibo nito sa kalidad–o kawalan nito–ng performance ng inuuri. Tila impersonal ang pagragrado pero bakit napakapersonal–tagos sa buto–ang epekto nito sa grinagrado?

Hindi na bago sa nilalang ang pagragrado. Nasa sinapupunan pa lamang ito, may paghuhusga na sa kanyang normalcy o kakulangan nito: normal ba ang posisyon, ang pag-unlad ng spesifikong bahagi ng katawan sa buwan ng pag-uuri, ang timbang, ang hitsura? Sa paggamit sa syentifikong diskurso, ang pwersa ay nagpapatameme sa grinagraduhan–katuwang ang magulang–sa kawalan-kwestyunin (non-questionable) na kalidad at panuntunan ng nagragrado.

Mga buton sa karaoke na maghuhudyat ng pagpili ng nilalang sa awit na itatanghal at magbibigay sa kanya ng grado matapos nito.  Kahit pa may paraan para talunin ang sistema, hindi ito lubos.  Sa bawat kanta't performance, may pag-uuri't grado na hindi lubos at sustenido ang pagkakamit.  Patunay na ang individual ang pumapaloob sa institusyon kahit pa ang nilalang ang pumili ng awit na itatanghal.
Mga buton sa karaoke na maghuhudyat ng pagpili ng nilalang sa awit na itatanghal at magbibigay sa kanya ng grado matapos nito. Kahit pa may paraan para talunin ang sistema, hindi ito lubos. Sa bawat kanta’t performance, may pag-uuri’t grado na hindi lubos at sustenido ang pagkakamit. Patunay na ang individual ang pumapaloob sa institusyon kahit pa ang nilalang ang pumili ng awit na itatanghal.

Sa higit na sosyalisasyon sa familya at eskwelahan, lalong pumapaloob ang nilalang sa gahum ng paggragrado: mataba ba siya o hindi, atletiko ba o lampa, bully ba o ang binu-bully, matalino o bobo, matatas o mapurol, at iba pa. Paratihan, sa pagragrado, may osilasyon sa dalawang magkabilaang entidad, at sa isang parametro sa loob nito, ang dikta ng normal o keri lang.

Sa katunayan, ang nilalang mismo ay naggragrado rin: sino ang kanyang pipiliing kaibigan, mapupusuan, magiging bff at karelasyon o friend-zone lang, igagalang, pupuntiryahin, kokopyahing katawan at abs, at iba pa. Sa paggragrado ng nilalang, mayroon itong maiisip na aspirasyon tungo sa mas mataas na panuntunan: mangangarap itong nakatingala sa higit na mas mataas sa kanyang aktwal na posisyonalidad.

Kung magkaka-crush o iibig ito, pantay o mas mataas ang kabuuang kalidad ang kanyang pupuntiryahin. Walang iibig sa mas abang uri. Gayundin, ang anumang panlipunang aspirasyon–kolehiyo na papasukan, kurso na kukunin, opisinang pagtratrabahuan, mission in life, short-term objectives, at iba pa–ay nakabatay sa ganitong kolektibong individual na paggragrado.

Sa individual na antas, mimiko ang nilalang sa inaakalang pwersa ng institusyong may higit na kapangyarihang maggrado. Kinokopya niya kahit wala naman siyang aktwal at historikal na pwersa sa individual na paggragrado kundi ang mga taong nakapaloob sa kanyang panlipunang okasyon ng paggragrado: kaibigan, kaibigan ng sinta, magulang ng nililigawan, pamilya ng mapapangasawa, sariling pamilya, at iba pa.

Pinapaboran ng sistema ang sustenidong mataas na pagkakamit ng grado. Meritocracy ito, at sa Filipinas, mayroong premium sa mga nagsipagtapos ng may honor: summa cum laude na mas mataas sa magna cum laude, na mas mataas sa cum laude, na mas mataas sa ordinaryong nagsisipagtapos para sa paghahanap ng mas mataas na pasweldo na trabaho. Kahit pa, may pagragrado mismo ang mga institusyon ng negosyo sa hierarkiya ng tertiaryong edukasyon sa bansa: tatlo lang ang pangunahing institusyon (U.P., Ateneo at De La Salle na mas may kalidad kung sa unit sa Metro Manila ito nakamit at hindi sa provincial campuses), at susunod ang next tier (U.S.T., San Beda, Mapua, at iba), at matapos nito, marahil, ang all others.

Hindi patas ang mundo sa paggragrado. Mas may pwersa ng syentifikong diskurso, mas inaakalang hindi matitinag. Mas magkukwestyon ang nilalang sa marka sa humanidades kaysa matematika, halimbawa, bilang patunay na may higit pang pag-uuri batay sa aplikasyon ng syentifikong diskurso. Ang dalawang magandang magsinta ay nakakaangat sa heteronormatibong lipunan kaysa sa dalawang sexy na lesbiana.

May simbayotikong relasyon ang institusyon at nilalang sa paggragrado. Ang paggragrado ng nilalang ay reiterasyon ng pwersa ng institusyon. At ang pwersa ng institusyon ay kapangyarihan sa nilalang. Walang magkakamaling magkwestyon sa institusyon at kapangyarihan nitong maggrado. Pwedeng ibagsak ng individual ang institusyon pero hindi aktwal na babagsak ang institusyon.

Sa huli, ang etika ng Protestanismo sa kapitalismo ang napapagtibay sa pagragrado ng nilalang. May targets, may efficiency, may pagpapadaloy sa bawat yugto ng proseso, may kinakailangang bumagsak at umangat. Kumpetitibo ang paggragrado kaya ang mga nilalang ay nakikipagpatayan para makamit ang inaasam na grado dahil ito ay inaakalang husga sa kanyang performance kundi man, sa kanyang pagkatao na piniling pumaloob sa poder ng institusyon. ()

Si Roland B. Tolentino ay faculty sa UP College of Mass Communication at kasapi ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Para sa komentaryo, maaring mag-email sa roland.tolentino@gmail.com.

Share This Post