Interegnum

GUNITA NG SALITA
Ni ROLAND TOLENTINO

Bulatlat.com

Ito ang paghihintay ng moment of truth. Parang end-of-sem, tapos na ang requirements, at nag-aantay ng resulta. O sa collective bargaining at negotiationg agreements, nag-aantay kung ano ang magiging katanggaptanggap sa panig ng management at labor. Sa eleksyon, nag-aantay kung sino ang aalagwa’t mananalo.

Wala tayong ginagawa sa edad ng neoliberalismo kundi mag-antay at pag-antayin. Nag-aantay sa crush, sa pag-ibig, sa nanlaglag para makapag-take two o three para lang ulitin ang siklo hanggang hindi pa dumarating ang the one. Nag-aantay sa resulta ng benchmarks sa profesyonal na buhay: high school graduation, pagkatanggap sa kolehiyo, kada semestreng aligaga sa requirements at resultang kinalabasan, graduation, board o bar, continuing enhancement, lifelong learning habang hindi pa nagiging lubos na matagumpay, at hindi na kailangan pang sumunod dahil ang individual na ang nagtatakda ng benchmark.

Pero walang nakakatanaw sa mapusok at tumitinding krisis dahil sa pagkatagni-tagning pagdanas sa krisis. Kung iisipin na lang ang inilalaang panahon sa pag-aantay–trafik, delivery room, pagkuha ng lisensya, pag-renew ng dokumento, pag-antay sa adviser at masasakyan, at iba pa–baka manghinayang ang individual sa naaksayang oras.

Ang pag-aantay ay maaligagang sandali na hindi kinikilala bilang gayon para kumondisyon sa gitnang uring aspirasyon.  Bakit mainit ang ulo ng kustomer sa maling pagdeliver ng kanyang order?  Dahil ang pag-aantay, lalo na kung labis, ay nagpapahiwatig ng kawalan-kapangyarihan ng nag-aantay at pagdulog sa institusyon--sa pamamagitan ng representatibo nito--na may aktwal na institusyonal na kapangyarihan:  ang kapangyarihang magkapagpaantay.  Ang pagputok ng ulo ng kustomer, pagtaas ng kanyang boses, paggawa ng spektakulo sa inaakalang katiwaliang naganap ay ang kalunoslunos na sintomas ng interegnum, puputok kapag hindi napagbigyan, kapag nailugar bilang hindi aktwal na gitnang uri. (Kuha ni Roland Tolentino / Bulatlat.com)
Ang pag-aantay ay maaligagang sandali na hindi kinikilala bilang gayon para kumondisyon sa gitnang uring aspirasyon. Bakit mainit ang ulo ng kustomer sa maling pagdeliver ng kanyang order? Dahil ang pag-aantay, lalo na kung labis, ay nagpapahiwatig ng kawalan-kapangyarihan ng nag-aantay at pagdulog sa institusyon–sa pamamagitan ng representatibo nito–na may aktwal na institusyonal na kapangyarihan: ang kapangyarihang magkapagpaantay. Ang pagputok ng ulo ng kustomer, pagtaas ng kanyang boses, paggawa ng spektakulo sa inaakalang katiwaliang naganap ay ang kalunoslunos na sintomas ng interegnum, puputok kapag hindi napagbigyan, kapag nailugar bilang hindi aktwal na gitnang uri. (Kuha ni Roland Tolentino / Bulatlat.com)

Walang ekonomikong halaga ang pag-aantay, bagkus may ekonomikong disadbentahe at singil pa nga ito. Ang pag-aantay ay sandali ng pagdanas, ang reiterasyon ng relasyong pangkapangyarihan: ang nag-aantay at inaantay. At dahil hindi nakikita bilang institusyonal ang inaantay, hindi nakikitang ang pag-aantay ay isang pagdanas ng institusyonal na kapangyarihan laban sa individual.

Si Antonio Gramsci ang nagsabi, “The crisis consists precisely in the fact that the old is dying and the new cannot be born; in this interregnum a great variety of morbid symptoms appear.” Ang pagkatagos sa institusyonal na poder ng neoliberal na estado ay naisasakatuparan sa pang-araw-araw na buhay sa pamamagitan ng ritwalisasyon ng pag-aantay sa hanay ng mga individual na gumagawa nito.

Napapansin lang paminsanminsan ang pagbulwak ng kalunoslunos na sintomas na siyang tumatawag atensyon sa aktibidad ng pag-aantay. Ang nabulok na relief goods, ang naging patuloy na pagtaas ng death count, o ang pagsori ni Aquino sa post-Yolanda reconstruction ay sintomas hindi lamang ng paisa-isang kapabayaan kundi ng sistemikong kawalan-halaga’t prioridad sa muling pagsasaayos ng buhay ng survivors dahil sa politikal at ekonomikong kawalan-halaga’t prioridad din ng rehiyon at ordinaryong mamamayan sa pangkalahatang rasyonalisasyon ng estado.

Sa kabilang banda, ang estado ay walang ginagawang pag-aantay, at hindi kinikilala ang interegnum bilang proseso ng pagsasatagumpay ng neoliberalismong aspirasyon sa bansa. Ang pagkadakip kina Benito at Wilma Tiamzon, lider ng komunistang kilusan, ay sinasabing paghina ng pangkalahatang rebolusyonaryo kilusan, na panahon na para sumuko ang armadong unit nito, pati ang hindi na rin napapanahon ng usapang pangkapayapaan.

Ang isinasaad ng diskurso ng estado sa pag-aantay ay ito ang lumilikha ng historikal na pagtatawid para magtagumpay ang neoliberalismo sa bansa. Ang pagkaaresto sa mga lider ng komunistang kilusan ay bahagi nitong pagtatawid, at kung gayon, aktibo ang pagtransforma sa bansa at kolektibong individual na buhay sa neoliberal na tagumpay.

Ang hindi isinasaad ay ang tasitong rekognisyon sa komunistang kilusan bilang may soberanyang entidad: na may paghina dahil may pwersa ng lakas, may pangangailangan mapasuko dahil may bigwas ang paghadlang, may pangangailangang makipag-usap sa isyu ng kapayapaan dahil ang rebolusyonaryong kilusan ang mistulang elephant in the room sa finafantasyang neoliberalistang tagumpay sa bansa.

Ang hindi nga inaako ng estado sa diskurso ng interegnum ay hindi namamatay ang luma (ang estado mismo), at hindi pa isinisilang ang bago (ang sosyalismo). Kaya ang interegnum ay lamay sa kasalukuyang estado, at antayan delivery room ng bagong kapalit nito. Mahabang lamayan dahil hindi lubos na mamataymatay ang luma, variation sa theme lang ang nangyayari kada periodikong nagpapalit ng pangulo. Mahabang antayan sa delivery room dahil kailangan ng paratihang malikhaing pagtuklas at inobasyon bilang susi sa pagluluwal ng bago.

Ang interegnum ay naglalabas ng kalunoslunos na sintomas sa pang-araw-araw na nagpapatanggap sa pinakamalupit na hagupit ng malakolonyal at malafeudal na pagdanas sa neoliberalismo: pribatisadong aspirasyon para sa gadgets at roaming wifi, malling, gimik, individualistang pagpupursigi’t rekognisyon ng tagumpay, o pagiging popular ang mithi sa social networks bilang ilang mga halimbawa. Wafaz ang buhay, keri lang ang pag-aantay, kebs na sa mundo! ()

Si Roland B. Tolentino ay faculty sa UP College of Mass Communication at kasapi ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). Para sa komentaryo, maaring mag-email sa roland.tolentino@gmail.com.

Share This Post