Sa ika-120 taon nang pagkatatag ng Katipunan ngayong Hulyo 7, 2012

Ni Richard R. Gappi
Bulatlat.com

Pinatay ang kanyang tatay.
Pinatay ang kanyang nanay.

At tulad ng batang makulit
na kinikilala ang daigdig,
nagtanong siya kung bakit.

Nang matutuhan at matanto niya ang mga sagot,
sinagot siya ng ganito: bakit ka nagtatanong?

Kaya para patahimikin, sinuhulan siya.
Pero nang hindi siya makuha sa santong dasalan,
dinaan nila sa santong paspasan:
Kinasuhan siya ng gawa-gawang kaso
(sa korte kung saan sinampahan din
ng gawa-gawang kaso ang kanyang
nanay at tatay bago pinatay)

Saan ngayon hahantong ang kanyang paghahanap?

Nang masumpungan at makita niya
ang nawawala sa puso ng bundok,
pinatag nila ito, sinilaban, pinaglagablab;
bitbit ang dayong aral kung paano
gawing isang humahagulgol na gubat
ang isang payak na komunidad.
Tsaka nila binigyan ng pangalan:
(Oplan Balangiga)
Oplan Bantay Laya
Oplan Bayanihan.
Oplan Teach Me How to Doogie.

At tulad ng kanyang
tatay at nanay, pinaslang siya.

Kinutya nila nang maraming tanong ang kanyang desisyon:
Bakit ka nakisayaw sa mga parehong kaliwa ang paa?
Bakit ka nakiawit sa laos nang tugtog at wala na sa tono?
Bakit ka sumapi sa mga taong labas
at humawak ng armas, di ba’t labag ‘yan sa batas?

Pero ang mga tanong nila ay nilusaw at sinagot
ng mga nagbigay sa kanya ng bigas
ng mga nakangiting sumalubong
at nakipagkamay sa kanya sa tarangkahan;
ng kanyang mga kasama at nakasalamuha;
ng mga katulad niyang ang araw ng kamatayan
ay hindi idinedeklarang walang pasok at pista opisyal:

“Ang isang bayan na patuloy na inaapi,
patuloy na nagsisilang ng maraming bayani.”
()

Share This Post