Facebook timeline at sinkronisasyon sa oras ng kapital

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Sa ngayon, may paninindigan na ang Facebook users sa bagong feature sa format ng personal wall—ang timeline. May mga kaibigang lumipat na sa timeline dahil ito naman daw ang inevitable. Mayroon din namang ayaw pa, naninindigan ng pagbawas sa kooptasyon sa mismong plataporma ng Facebook.

Iba ang format ng timeline: may profile pix at cover pix; mas may presentation value; mas malalaki ang imahen; kronolohikal ang ayos batay sa taon, buwan at araw; at iba pa. Ang pinakatampok na pagbabago, pwedeng idagdag ang pre-Facebook era ng user, maging ang era na wala pang Facebook.

Naalaala ko na ang bentahe ng timeline ay mayroon nang repositoryo ng lahat ng alaala ng user. Pwedeng i-upload ang lahat ng datos, alaala at imahen mula sa panahon na ipinanganak hanggang sa inaasahan sa lahat na pagyao. Sa katunayan, marami pang accounts mula sa yumao nang kaibigan na “buhay” pa rin—na sa tuwing kaarawan at araw ng kamatayan ng user ay marami pa rin ang bumabati at nagpapaalaala ng kanilang pangungulila.

Sa naunang kolum ay inulat ko ang surveillance sa Facebook sa pamamagitan ng aktwal na storage ng mga datos ng users nito, na kahit na nga dinelete na ito ng user ay nandoon pa rin sa sentralisadong storage ang lahat ng kanyang kasaysayan, dinagdag at binawas. Malamang, ginagamit ito para sa profiling para sa ads para sa produkto at serbisyo, maging sa gawaing intelligence.

Ang upgrade sa presentation value ng timeline ay pag-level-up ng inkorporasyon sa Facebook at sa plataporma ng kapital at kapitalismo: na ang linearidad ng timeline at datos ng user ay ko-terminus sa timeline at buhay ng mismong Facebook bilang pinakatampok na social networking site, higanteng negosyo (na tunay na exemplar ng kapalismo: ang paglikha ng halaga mula sa wala o sa kasong ito, mula sa virtual na existence lamang), at estado (sa kanyang Big Brother surveillance, report abuse, block user, at iba pa).

Ano ang panahon at oras ng kapital? Ito ang pagmobilisa sa users bilang tunay na libreng paggawa: hindi ng sila kailangang pagsamantalahan para sa maximimasyon ng kita, sila pa nga ay boluntaryo para sa pinapahayag na hindi tuwirang adhikaing ito ng kapital. Sa katunayan, ang users pa ang gagastos—tulad sa kulturang popular—para sa “I belong” na pakiwari: bibili ng computer at gadgets, magkakaroon ng internet service, magbabayad per orang gamit sa internet café, at iba pa.

Ang oras ng kapital ay ang sandali ng pagningning nito. This is it! Sa pamamagitan ng masifikasyon ng mga virtual na katawan ng users, lumampas sa buwan ang halaga ng negosyo ng Facebook. At nagawa ito sa paraan na exemplar ng kapitalistang gawi: ang paglikha ng yaman batay sa papel (stocks, bonds, mutuals, trust, at iba pa). Ito ang great capitalist dream!

Sa katunayan, ayon sa facts-and-figures-about-facebook: ang Facebook active users ay umabot na sa 900 milyon, at sinasabing katumbas ito ng ikatlong pinakapopuladong bansa sa mundo; sa isang ordinaryong araw, may 526 milyong users ang Facebook; 300 milyong litrato ang ina-upload araw-araw; at apat na bilyonaryo na ang nalikha nito.

Sa katunayan, sa naganap na public offering ng Facebook ng Mayo 2012, ang yaman ng Facebook co-founder Mark Zuckerberg ay tataas pa ng US$1 bilyon cash, at stocks na nagkakahalaga ng $17.6 bilyon; dagdag pa rito, ang magiging kabuuang halaga ng korporasyon ay sa pagitan ng $77 bilyon hanggang $96 bilyon.

Hindi ba naman, sa loob ng isang araw, lumobo ang halaga at kita ng Facebook, at least sa papel man lang! At nagawa ang kababalaghang ito—ang capitalist miracle—sa pamamagitan ng historikal na pag-ayon ng mga user na maging bateryang magbibigay pwersa sa kapasidad ng Facebook na yumabong at kumita. Ang timeline ay instrumental sa pagpasok at paghahanda sa users na mas maging hayag ang relasyon sa oras ng kapital.

At sa mga naniniwala sa Facebook activism, paano ito magiging aktibo sa radikal na politika kung ang mismong plataporma’t template ay overdetermined ng oras ng kapital? Ang nangyayari pa nga, nakadaragdag lang ng hits, likes, comments, pictures upload, tags at iba pang aktibidad na higit na magpapalawak ng mamamayang manggagawang libre nito.

Ang hindi naman kakatwa sa panahon at oras ng kapital ay ang hindi pagtingin sa labas ng individualisado’t individualizing na katangian ng Facebook bilang marka ng global na gitnang uring individual: na oo, ang Facebook ay personalido’t familiar na plataporma ng individualismo at sa kanyang individual na ahensyang lumikha ng kanyang sariling komunidad; at hindi, ang Facebook ay plataporma ng malawakan at malakihang kita.

Ang disjunct ay dahil nga walang kaapihang nararamdaman at nadaranas ang users ng Facebook. Sa katunayan, “salamat po, doktora” ang mindset ng mga user dahil sa inobatibo’t libreng plataporma ng individualismo. At kung gayon, ang produksyon ng depolisadong katawan ang patunay na nagtagumpay ang kapital sa paglahok sa mga user sa kanyang mantra para sa higit na kita. ()

Share This Post