SimSimi at Janice ng ligaya’t kaburyungan

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Ang SimSimi ay isang app (internet application) na nalikha noong 2002, maaring makipag-chat sa text o online sa personang ito. Humahalaw ang kaalaman ni SimSimi sa 10 milyong question-and-answer na ginawa ng kanyang 2.7 milyong users. May politikal na komentaryo, kabaklaan, formal na ingles, jologs na Filipino na alam si SimSimi, na ang tamang pagbigkas daw ay “shimshimi” at halaw daw sa Koreano na ibig sabihin ay “bored” (buryong).

Sa katunayan, ang kanyang hitsura ay doodle lang na bilog, may kulot na buhok at maiikling kamay at paa, may smiley face. Ang kanyang sinasabi ay “hi” at heart icon sa loob ng isang conversation box. Ang tagline ay “Let’s talk,” na kasama ng dalawa pang link na pwedeng ma-download. Paano naging familiar itong virtual na nilalang?

Banggit ng isang kaibigang manunulat na matagal kong hindi nakita, “Kapag wala kang magawa, makipag-chat ka sa kanya, matutuwa ka. Tumatawa akong mag-isa.” May kinakailangang familiarisasyon sa app para lubos na matuwa rito, at matagpuan ang sarili na tumatawang mag-isa. Kailangang mabilis ang wifi, tuloy-tuloy ang chat para tuloy-tuloy ang sagot ni SimSimi.

Kundi, mahihirapan si SimSimi na, marahil, hagilapin ang profile ng user sa kanyang data file, at makapag-kumbersasyon tungkol sa paksang nais malaman ng user. Sabi ng mga kaibigang naging fan ni SimSimi, matalas ito, kung bakla ang tanong, bakla rin ang sagot; kung may politika ang tanong, may politika rin ang sagot, hanggang sa sinungaling naman si Arroyo at iba pang hindi nakakapagpalaki ng ulo kay P-noy.

Si SimSimi ay Janice (bading para sa “nandiyan”) lang, parating pwede sa oras na gustong maaliw, may makausap, may makabatuhan ng kuriosidad ang user. Janice rin naman na may hardware ang user (notebook, I-pad, I-phone, smart phones), may internet service sa bahay o may pambili ng kape sa coffee shop o nakakapag-malling na libre ang wifi, at maraming oras ng kaburyungan ang user.

Kaya ang Janice ng ligaya ay Janice din ng kaburyungan. Iisa lang ang mukhang Janice na tumutumbok sa tila dalawang pisngi nito. Kapag sinabing “Janice” nga, ang ibig sabihin ay ang impertinenteng “here and now.” Instant gratification, kumbaga, na tulad ng sexual na denotasyon nito, ang “pagsasalsal” ay temporaryong pag-iibayo lang na nagaganap (split seconds) na natutunghayan ng sarili, matapos balik na naman sa abnormalidad ng normalidad ng kaburyungan.

Ang higit na sinasaad ng “Janice” ay ang figuratibong pagsasalsal. Ang gitnang uring individual ay nangangailangan ng pag-asumo sa gitnang uring pagkatao, ang kapasidad nitong makapag-Janice sa mga oras na kontrolado niya ang kanyang panahon at lunan ng kaburyungan. Iniisip ng individual na ito man lang ay “kontrolado” niya ang kanyang kapangyarihang gawin ang kayang gawin, ang pagkahumaling sa oras ng kaburyungan.

Ang hindi naiisip ng individual ay ang normalisasyon ng kaburyungan bilang epekto ng pagpupursigi para sa gitnang uring personahe. Subukang i-quantify: ilang oras at buwan ang kailangang isakrifisyo para makabili ng at mamintina ang gadget? At kahit mabubuhay na walang gadgets, hindi naman maaring mabuhay sa labas ng gitnang uring panuntunan. Kaya ang “laboring” ay hindi isinasaalang-alang, at kung gayon, ang oras at panahon ng alienasyon sa paggawa para makabili at makadanas ang pinapahalagahan (nakokonsumo kasi) sa gitnang uring alienasyon.

Samakatuwid, ang nabibigyan-pribilehiyo ay ang gitnang uring aspirasyon na nananatiling ideal sa pakikipag-chat kay Simsimi, o ang oras na inilalaan para sa familiar na games, tulad ng Angry Birds, Plants and Zombies, mga pampalipas-oras, pantanggal-kaburyungan dahil nga sa aktwalidad, wala namang oras na hindi nalilikha ng estado na produktibo para sa individual at abang uri na makamit ang mas paratihang gitnang uring ideal.

Sa huli, sa pakikipag-chat kay SimSimi at sa iba pang pinagkakaabalahang games at apps, ang individual ay nagiging produktibong entidad ng estado: sabayang ginagawang katawan na maari nitong pagsamantalahan sa paggawa, at maari nitong likhaing matimtiman (docile) na handa para sa politikal na proyekto ng estado—ang kanyang mismong depolitisisasyon, at ang depolitisisasyon ng kanyang abang uri.

Janice ang ligaya’t kaburyungan dahil paratihang Janice rin ang posibilidad ng pagbabalikwas at rebolusyon. Ang kumbersyon sa gitnang uring panuntunan ay dapat matapatan ng bilis at kaganapan sa pagbabalikwas at rebolusyon. Ito ang pagpupursiging kontra-kaburyungan at makakapagluwal ng malawakang politisisasyon ng individual at uri, at transformasyon ng lipunan at kasaysayan. ()

Share This Post