“Selected items” sa ukay-ukay at SM-isasyon

Ni ROLAND TOLENTINO
Bulatlat.com

Dati, ang ukay-ukay ay simpleng halukayan sa tambak ng segunda manong mga damit, tapos ay pakikipagtawaran sa nagbebenta. Ngayon, marami nang ukay-ukay, lalo na sa syudad, na naka-hanger na ang mga damit, may display na nagaganap, at dahil din sa mga ito, hindi na lubos ang tawaran.

Para sa “selected items” na ito, fixed price na. At kapag nagtangka pa ring tumawad, ang sasabihin ng dispatsadora ay “bagong bukas,” “bagong dating,” “pre-selections,” “mga branded” kasi ang mga ito, kaya walang tawad. Kumpara sa mga item na “luma” (na siya namang katangian kung bakit nga ang mga ito ay nasa ukay-ukay), ang selected items ay may inaakalang apila bilang bagong lumaan o mga bagong tuklas sa kasamang dumating ng lumang kargo.

Ang siste ng negosyante sa ukay-ukay ay nagbi-bid sa mga kargo na dumarating mula sa iba’t ibang bansa. Magbi-bid ang mga ito nang hindi alam kung ano ang nasa loob ng kargo. Sa pagkapanalo lamang at pagbubukas ng kargo at ang laman ng mga kahon matutunghayan kung naka-jackpot ang negosyante o dadaan sa butas ng karayom para mabalik ang kanyang puhunan.

Sa kalakarang ito, ino-optimize ng negosyante at ang susunod na layer ng mga pumisan sa kanya ang kanilang nakuhang kargo. Tulad ng prodyus sa pagsasaka, may sorting na ginagawa para ang mga item na alam na mas may halaga (branded) ay maipagbibili sa mas mahal na presyo. Hindi na kakatwa, kung gayon, na may rekognisyon na ang mga negosyante at kanilang manggagawa sa mga brand.

Popular na kaalaman ang Hang Ten, Giordano, Baleno, Gap, Levi’s, at Wrangler, halimbawa, maging ang haute couture na Versace, Hugo Boss, Calvin Klein, at iba pa. Pero natukoy din na pati ang G2000, Ben Sherman, Fred Perry, Zara, at iba pa ay may dagdag na bentahe sa mga maykayang mamimili. Sa katunayan, nang magpunta kami ng kaibigan kong guro sa Bambang, ang isa sa hub ng ukay-ukay, may mga Atenista rin na namimili.

Sa Bambang sa Manila, St. Joseph’s sa Anonas, ang mga ukayan “mall” sa Baguio ay may branding ng branded na nagaganap. Una ay may ilang mga pwesto (o sa kasalukuyang pagkaunlad, “shop”) na tutunguhin ang interesadong partido para bumili ng partikular na brand. Nabalitaan kong nanunuyod din ang may-ari ng pwesto sa ibang ukayan para maghanap ng partikular na brand na ibebenta sa kanilang pwesto.

Ikalawa, spesyalisado na ang mga pwesto: sports wear, children’s wear, women’s dresses, men’s fashion, retro fashion (ang “tunay” na ukay-ukay) na alam na ang tutunghin at hindi dahil sa preferensiya ng bibilhin. Ikatlo, ang mismong sityo ng ukayan ay dumanas na ng gentrifikasyon, tulad sa Bambang na mas itinampok ito mula sa fresh produce na seksyon. Ang nasa St. Joseph’s ay aircon, at may ilang ukayan shops sa loob ng mismong mall, tulad sa Isetann sa Recto. Ang mga nagsusulputang pwesto sa Avenida Avenue ay puro naka-aircon na rin.

Ibig sabihin, mas namumuhunan na ang mga negosyante ng ukay-ukay kaya mas tumataas na ang presyo ng kanilang bilihin. Lumilikha na sila ng makauring niche market para sa higit na seduksyon sa mas mahal na bilihin at mas malaking tubo. Ang mga kasapi sa niche market na ito ay handa lamang magbayad ng mas mahal na halaga para sa mga pribilehiyadong brand ng kanilang henerasyon.

Ang mga kabataan at iba pang mamimili sa ukay-ukay ay may katangiang mataas ang consumer literacy (alam ang brands) pero kapos sa aktwal na finansyal na kapital (kaya nga nag-uukay-ukay). Sa katunayan, ang intensyon ng selected items sa ukay-ukay ay itransforma ang ukayan sa retro at antique shop: luma, alam na luma, may magandang pinagdaanan na kasaysayan ang tatak, kanais-nais na luma kaya mas mataas ang halaga.

At ito ang SM-isasyon ng ukay-ukay: nakakapagtukoy ng niche market na siyang inaasahang maging bulto ng mamimili (na tulad sa SM, maliit na sangay ng aktwal na mamimili na siyang tutubos sa kawalan-kapasidad ng higit na nakararaming mallers at pedestrian shoppers), at kung magtagumpay, itratransforma ang pwesto at serbisyo para sa pribilihiyadong market na ito (tulad sa SM, ang paglikha ng kawing na outlets at brands na ito rin ang nagmamay-ari, pag-unlad ng second-generation malls, alfresco dining sa tagiliran nito na bukas lampas sa ordinaryong oras ng mall, at iba pa).

Ang maliliit na entrepreneur ay natututo na sa mga taipan at tycoon. At sa pagkatuto ng mga negosyante ng ukayan, ang higit na pagkaetsapwera ng mga nasa laylayan sa mga produkto at serbisyong dati naman itinalaga na para sa kanila. Itong mas malaking walang kapasidad na “market” ay lalong malulugmok sa higit na pagkakaroon ng kawalan-akses sa mga marka ng gitnang uring buhay. ()

Share This Post