There They Go! Politikang Tarpaulin

Bawat politikong tarpaulin, tulad ng ad na pangunahing gamit nito, ay naghahanap ng politikal na lehitimasyon. Kaya nga nagpapatarpaulin ang politiko, para maging lehitimong politiko. At tulad ng bombardment ng materyales sa panahon ng eleksyon, kung sino na lamang ang may memory recall—ang matunog, mabango, kilala–ang siyang mahahalal. Ibig sabihin, ang tarpaulin ay deodorant lamang ng politiko para pagtakpan ang alingasngas ng baho ng pagiging politiko sa bansa.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Matagal nang nagsimula ang eleksyon sa bansa. Hindi na inantay ng mga politiko ang May 2010. Ang nasa batas ay 90 araw ang campaign period. Pero ngayon pa lamang, o mas nauna na nga, matagal nang nagsimula ang eleksyon. At ang pangunahing behikulo nito ay ang teknolohiya ng tarpaulin.

Sa relatibong kamurahan nito, dagdag pa ang tagal nang panahon na hindi ito masisira, naging adbentahe ng tarpaulin na maging media-of-choice ng mga politiko, lalo na sa grassroots. Ang pambansang politiko ay kayang bumili ng ads sa diyaryo, at ikubli ito sa panawagang environmental, peace-and-order, at tulong sa pabalik na OCWs na komersyal sa telebisyon. Kaya rin nilang bumili ng mas malalaking tarpauling sinasabit sa billboard o harap ng kanilang mga pinapagmay-aring establisyimento.

Ang politiko—mula kagawad hanggang representatibo—ay gumagamit ng tarpaulin para sa kasalukuyang tagong pangangampanya, bilang paghahanda sa lantarang pangangampanya sa Pebrero 2010. Una ay sa kawalan ng relatibong kumpetisyon sa campaign materials dahil nga ito ay nasa inisyatibong yugto pa lamang ng kampanya. Marami ay testing balloon pa lamang kung tunay na lilipad ang pinupuntiryang posisyon sa 2010.

Kaya walang tapalang nagaganap. Hindi ito tulad ng papel na inooperasyong dikit na madaling matapalan ng iba pang kandidato. Hindi rin naman ito operasyong pinta sa kalsada, na marumi at bulgar na tignan, lalo na sa edad ng Metro Guwapo ng MMDA. Ito ay tarpaulin na may gitnang uring panuntunan—ang mukha at ngalan ng kandidato na bumabati lang naman sa okasyon ng Pasko, Bagong Taon, Valentine’s Day, graduation, Holy Week at bakasyon.

At ito ang ikalawang punto, ang gentrifikasyon na nagaganap sa kampanya ng politiko. Hindi ito hardsell na dinadaan sa dami, at tahasang agresibo sa pangangalandakan ng lalim ng campaign coffers. Ito ay gentile o astang maykaya dahil nga hindi tuwirang humihingi ng boto kundi nagpupunla lamang ng alaala ng politiko sa kamalayan ng botante.

Bago pa man maging politikal na hayop ang kandidatong politiko, nagiging tao muna siya sa mata ng nakakatunghay. Bakit naman sasama ang loob mo sa taong gusto lamang bumati sa okasyon na nakagradweyt ang anak mo, o sa pagbati sa araw ng mga puso? Tao lang naman sila, at nagiging makatao sa kanilang pakikitungo sa botante at prospektibong botante.

Tutal, ito pa naman ang okasyon na wala pang napipiling kandidato ang mga botante. Bukas pa sila sa sinumang makakadulog at antig sa kanilang puso. At bahagi nga ng apila sa puso ang politikang tarpaulin. Nagkakaroon ng mukhang marangal, halimbawa, si Herbert “Bistik” Bautista, at nagiging marjinal ang “Vice” at matingkad ang “Mayor” bilang aspirasyong pampolitika sa 2010. Ngayon pa lang, astang meyor na si Bistik.

Share This Post