Showbizifikasyon

Sa pananahimik at pagtanggi, huhupa ang skandalo hanggang sa madaliang pagpasok ng iba na namang skandalo. Uulit na naman ang ritmo ng pagbuking, Senate at Congress hearing, media blitz ng mga politikong gustong pumapel, at ang pag-headline ng media sa sound byte mode ng pumapapel. Sa huli, walang makukulong, magiging malamig na kanin ang whistleblower, at ang dapat makulong ay malaya pa ring makapangurakot muli.

At ito ang ugat ng anumang pagkahapo sa pagkilos. Wala namang kasing nangyayari kaya bakit pa magproprotesta. At kung magpakaganito ang pangkalahatang paniniwala, nagtagumpay na ang politika na gawing trivial ang pinakasahol at pinakapeligrosong pagdanas ng pambansa at individual na buhay. Dagdag pa rito, ang kultura ng korapsyon ay mapapatagos sa mamamayan bilang kanya-kanyang rekurso sa panlipunang mobilidad.

Ang ikalawang aspekto ay sa pamamagitan ng showbiz bilang balita. Kapag ginawang cover boy ang conspicuous lifestyle ni Willie Revillame, sold out ang magazine. Pahina kete pahina, ang mga larawan ng imported at luxurious na kotse, yate, bahay at gamit, at ang pinakamasahol sa lahat, ang write-up ay nagsasaad ng balikwas na pilontropiyang pilosopiya ng isa sa pinakakorap na figura ng kulturang popular sa bansa.

Ang tarayan ng artista ay isusulat sa tabloid, babasahin bilang balita sa morning news magazine show, magiging segment sa dalawang balita sa gabi, at magiging tampok sa weekend showbiz shows. Sa katunayan, ang balita sa gabi ay inaantay para sa balitang showbiz. Ang antisipasyon ay serialisadong tinutugunan sa pamamagitan ng pagkalat ng balitang showbiz sa news. Pinakahuli ang pinakatampok na balita. At ito ang kabaligtaran na direksyon ng balita: mula sa malalaki tungo sa maliliit na kalidad ng balita.

Kung magpakaganito ang kalakaran, ang pinakamatingkad na showbiz news ang huling alaala ng balita. Flattened ang kaibahan at disjuncture ng balitang showbiz sa balitang pangkalusugan, sports, pambansa at panlabas. Magkakasinghalaga ang turing sa krisis pang-ekonomiko at ang pagretoke ng mukha ni Artista X. At ang pinakatampok na balitang showbiz ang magiging last song syndrome sa manonood.

Kaya rin matingkad ang afinidad ng showbiz at politika, o ang artista o newscaster at ng politiko—parehong sentral ang paglikha ng spectacle para dumugin ng masa. Katawan ang pangunahing behikulo ng paniningning, pagtawag-pansin, at pagpapadaloy ng pagnanasa ng manonood sa kolektibong aspirasyon ng redempsyon. Kung magpakaganito, ang resulta ay ang matagumpay na pagkahalalal ng nauna at ikalawang henerasyon ng action stars sa Senado, Bise at Presidente; at ang unang henerasyon ng news broadcasters sa Senado at Bise.

At siempre, bilang staged lang naman ang kapasidad nitong magbigay-artikulasyon sa kolektibong aspirasyon ng masa—kasama ang pagiging moral, matapang at matulungin ng mga ito—kapag nahalal naman ang mga figura ng showbiz, sila mismo ang kumakatawan o embodiment ng non-artikulasyon ng mismong kolektibong hinanaing. Dahil hindi naman sila abugado at walang direktang karanasan sa ligalismo, at ingles pa ang kalakaran ng tunggalian, silang sanay magbasa lamang mula sa script ay nagmamaan-maangan na lamang sa debate halls ng Senado.

Nahalalal sa pambansang politika ang mga personalidad sa showbiz, pero deadma naman ang paratihang rekurso sa mismong pambansang politika. Joiner lang sa pag-file ng mga bill, gayong mahalaga pa rin ang boto, kasing halaga ng iba pang bilang ng senador. At malamang, ito na ang definitibong sandali ng politika at politiko sa bansa—ang proximidad sa media bilang daluyan ng impormasyon sa kumakandidato, bukod sa bilyones na kakailanganin para kumandidato sa pambansang posisyon.

Sa showbizifikasyon, ang intimate na relasyon ng politika at showbiz—heto na naman ang isa pang tongue twister: ang politika ng showbiz, at ang showbiz ng politika—ay nagiging tampok. Ang nagagawa ng politika sa showbiz ay gawing pribilehiyo ang artista at sa iba pang lebel, ang producer at iba pang mayari ng negosyo bilang ikoniko. At kung magpakaganito, bilang gatekeepers ng panlasa ng masa.

Ang nagagawa naman ng showbiz ng politika ay gawing “pedestriano” at “balaj” (balahura) ang politika at politiko mula sa prim and proper na pedestal tungo sa di lamang katanggap-tanggap kundi katangkitangkilik sa masa. Props ang papel ni Vice President Noli de Castro kay Gloria Arroyo. At susustinihin ni Arroyo ang suporta kay de Castro para matiyak ang pagpapatuloy ng interes nito, lampas pa ng kanyang buhay sa presidensiya.

Nananatili sa pagbutingting ng trivial ang politika, tulad ng propensidad ng kalakaran ng media. Nananatiling politikal ang showbiz, tulad ng sistema ng patronahe sa politika. Epektibong nasasangkapan ang mamamayan sa showbizifikasyon, at sa pamamagitan ng spectacle ng pagbabalikwas maiibsan ang pananangkapang ito. Mamamayan naman dapat ang tumampok.(Bulatlat.com)

Share This Post