Only-in-the-Philippines Syndrome

Ang only-in-the-Philippines ay katangian at kaganapang maaring mangyari lamang sa loob ng espasyo ng bansa. Ito ay social action o ginagawa ng kolektibo sa ilang sektor, pero hindi buong lipunan ang kalahok. Panlipunan ang sinasaad nito, o may sinasabi sa mababang kalidad at pagturing ng mga pwersa sa lipunan kaya nagaganap ang penomenon: mga umaakyat ng billboard sa Metro Manila para takasan ang kanilang problema, umaakyat ng at ayaw bumaba sa puno ng niyog dahil niloko ng asawa, nanganganak ng hito o kakambal ng ahas, miyembro ng Gucci Gang na nagpapanggap na ang Makati ay Manhattan habang sumisinghot ng cocaine, at kung ano-ano pa.

NI ROLAND TOLENTINO
Bulatlat
Vol. VIII, No. 7, March 16-29, 2008

Kapag sinabing “only in the Philippines,” sinasaad na ang penomenon ay maaring mangyari lang sa bansang may mga sumusunod na katangian: direkta at indirektang pagsambit sa malawakang pangungurakot ng mga opisyal, malalimang pagtagos ng kolonyal na mentalidad, at masibong paghihikahos ng mamamayan. At kung paano, kapag nagkasabay-sabay ang tatlong salik ay humahantong sa isang marahas—madalas, nakakadismaya pero nakakaaliw–na karanasanan. Labas ito sa pagngunguso para magbigay ng direksyon, pagsutsot para matawag ang pansin ng tao, o pagkain ng balot at ng iba pang iniihaw na may referensya sa Filipinong modernidad (IUD, helmet, PAL, Adidas, at iba pa). Filipino lang daw ang gumagawa noon, sa loob at labas man ng bansa.

Ang only-in-the-Philippines ay katangian at kaganapang maaring mangyari lamang sa loob ng espasyo ng bansa. Ito ay social action o ginagawa ng kolektibo sa ilang sektor, pero hindi buong lipunan ang kalahok. Panlipunan ang sinasaad nito, o may sinasabi sa mababang kalidad at pagturing ng mga pwersa sa lipunan kaya nagaganap ang penomenon: mga umaakyat ng billboard sa Metro Manila para takasan ang kanilang problema, umaakyat ng at ayaw bumaba sa puno ng niyog dahil niloko ng asawa, nanganganak ng hito o kakambal ng ahas, miyembro ng Gucci Gang na nagpapanggap na ang Makati ay Manhattan habang sumisinghot ng cocaine, at kung ano-ano pa.

Tignan ang ilan pang halimbawa ng only-in-the-Philippines. Pinalitan ang bubong ng tren na dumadaan sa Metro Manila, ginawang tatsulok, para hindi matapunan ng mga supot ng basurang nanggagaling sa mga komunidad na nakatira sa riles na hindi naseserbisyuhan ng koleksyon ng basura. Sa Butuan City, ang mga magnanakaw ay nakatakas na dala-dala ang mga ilaw ng runway ng bagong-ayos na airport dito. Isang 40 anyos na lalake ang pinatay ng kanyang kainuman dahil pinagtawanan nito ang ari ng kasama niya, at ayaw nitong ipakita ang sa kanya.

Parati ay narito ang tatlong salik: pangungurakot (iligal na pagbebenta ng karapatan para makatira sa riles, pag-install ng mumurahing uri ng safety protection sa mga ilaw sa runway, pagtaya na di makatarungan na “I show mine, you don’t show yours” sa inuman), kolonyal na mentalidad (pamantayang hygiene bilang pribadong spero ng buhay, pag-ayos ng airport imbis na pagpondo sa food security, machismo o pataasan ng ihi at pahabaan ng ari sa inuman), at paghihikahos (pagtira sa riles at kawalan ng serbisyo publiko rito, pagnanakaw ng ilaw sa runway dahil sa kawalan ng iba pang mapapagkakitaan, paglabas ng karahasan sa mahihirap na lalaki kapag nakainom).

Madalas ang pagsasanib ng tatlong salik ay nauuwi sa marahas na kaganapan: murahan sa pagitan ng pasahero ng tren at nagtatapon ng basura, nakawan, at patayan. Ang karahasan ay hindi indibidwal na antas lamang, kundi dahil nga likha ito ng tatlong salik na kinakabuhayan ng mga indibidwal ay may propensidad ang lipunan na makaranas nito, at magluwal ng iba pang only-in-the-Philippines na penomenon.

Samakatuwid, ang only-in-the-Philippines syndrome ay sistemiko at hindi hiwa-hiwalay na kaganapan. Ang primaryong kalahok rito ay ang underclass, mula anakpawis hanggang lumpen at katutubong mamamayan. Kapag napalahok ang mayayaman, mas matingkad ang kalakaran ng tatlong salik, nagiging cliché na nga dahil masyadong halatang kumumporma sa inaakalang global na kosmopolitanismo. Tulad sa quasi-bonding na organo ng Gucci Gang, pinangalan sa brand na sila lang ang makakabili, pero tulad ng underclass na partner nila, lulon din sa lumpen na aktibidad—droga, panggigimik, panggagantso, pagsaksak sa likod ng mismong mga kaibigan, pagkaplastik at iba pa.

Ang lumpen ang naghaharing pang-uring katangian sa only-in-the-Philippines syndrome. Ang lumpen ay sub-uri dahil ito ay hindi naman regular na miyembro ng anakpawis na may regularisado bagamat maliit na kita, at dahil mas nagdarahop ang lagay ay handang gumamit ng iligal at imoral na kapamaraan para kumita. Sila yaong namumuhay sa jueteng, droga, panggagantso, at bayarang mamamatay-tao, botante at union-busters, at kung gayon ay mas mahalaga ang kagyat na pangangailangang kumain at mabuhay, o mabilisang umangat ang estado ng buhay, kaysa sa metapisikal at moral na katanungan tungkol sa indibidwalidad, humanidad at maging hustisyang panlipunan.

Sinasaad ng mga karanasan at penomenong only-in-the-Philippines na sa sobrang pambubusabos sa indibidwal at kolektibo, handa itong gawin ang meta-mamamayang (meta-ligal, meta-moral, at sa kaso ng babaeng binitbit ang ari-arian sa puno ng niyog, meta-pisikal na) kalakaran para magkaroon ng akses sa temporal na politikal na pagkamamamayan. Ang mga hoodlum ay magnanakaw at sa akto ng pagnanakaw ay marerealisa ang taliwas pero nananatiling akses pa rin sa pagkamamamayan, para lamang mahuli at humarap sa estadong handa ring magbigay-disiplina, parusa at sintensya sa mga lumabag sa politikal na kalakaran.

Share This Post