Interview Portion sa Beauty Pageant at Katawang Kapital

Ang katawan ay may kapasidad mangapital. Kung dati ang paraan sa pangarap na pag-angat ay pagkuha ng pagpapari at medisina dahil natitiyak nitong bubuti ang buhay at nakakatulong pa sa kapwa; sumunod ay commerce dahil tiyak daw ang pagpasok ng pera kapag nagnegosyo; ngayon ay pag-aartista na. Kung may hitsura ang bata, lalo pa’t hindi pinalaki ng Milo at Promil, ay kasabay na pangangarapin ito ng pamilya at kapitbahay na mag-artista bilang lehitimo nang kapamaraanan na makaangat sa buhay.

Kaya hindi nawawalan ng panibagong Star Circle at Star Search, at pati Big Brother at iba pang reality TV ay nagiging aparato ng paghagilap ng bagong mukhang bebenta at maibebenta. Ang (matagumpay na) pag-aartista ang pinakamatayog sa pangarap. Kaya ang pagmomodelo, at pati itong beauty pageants, ay stepping stone lamang para maging artista. At sa babang lebel ng hierarkiyang ito, ang Japayuki at hostong entertainers sa niche market ng Japan, ang GROs at macho dancer na nakabase sa clubs, ang mga pokpok (sex worker) sa lansangan o nakatambay sa mall at plaza. Ang waiters, fastfood crew, hotel bell boys, SM cashier ay bahagi rin nitong entertainment service industry.

Kaya tama ang kanta ng Hagibis, lokal na bersyon ng Village People, na naging theme song ng matagumpay na sitcom noong 1990s, Palibhasa Lalake, “Katawan, katawan, katawan, ingatan ang inyong katawan.” Purong katawan, ingatan dahil pwede ngang pagkakitaan.

Hindi naman nag-a-apply sa call center si San Miguel. At kung mag-apply man ito, kasama ito sa 97 porsyento na babagsak. Kaya nga siya nag-beauty contestant ay dahil alam niya ang angkop na halaga at lugar ng kanyang katawan. Ang operative word ay “beauty” at kahit sabihin pang hindi ito skin-deep, ay ito pa rin ang pasaporte para sa realisasyon ng kanyang pangarap at ng kanyang henerasyon. Na sa kalakaran ng beauty contest, tanging mga graduate ng Unibersidad ng Pilipinas na sumasali at nananalo rito, ang nagdaragdag pa ng lehitimasyon sa papawala namang beauty-and-brains combo meal.

Ang kamulatan ni San Miguel ay kamulatang ipinatamo sa kanya sa pang-araw-araw. Ito naman ang bansa ng beauty contests. Mula sanggol, musmos, bata, teenager, bagong Misis, matandang babae, at maging para sa kalalakihan at bakla ay mayroong maaring salihan. Idinidiin ito sa telebisyon sa tanghali, model searches sa mall at plaza, fundraising sa fiesta, at Bb. Pilipinas sa Marso. At ito ang kamulatan sa katawan bilang purong ideal, walang organo, walang utak, purong posturing umaakibat sa modelo ng global na katawan.

Kontest ito-kumpetisyong nakabatay sa malinaw na pamantayan-na magpakaganito rin naman, ay hindi para sa lahat. Isa lang parati ang nahihirang na representatibo. At hindi naman ito opisyal na representasyon at representatibo ng bansa. Hindi pamahalaan ang pumili nito, kundi aparato ng estado. Umaalinsunod sa katawang itinatakda ng estado-katawang walang organo, walang utak, na ang tanging halaga ay gumaya sa ipinataw na modelo: mapa-call center agent ito na gumagaya sa twang ng native speaker, estudyanteng sistematikong pinagdarahop sa kamangmangan at kawalan ng pondo ng gobyerno at naniniwala pa ring makakaahon ito sa kanyang lagay sa malapit na hinaharap, o OCW na nagsasakripisyo ng katawan para sa ikabubuti ng iba.

Hindi nga ba’t ang katawan ng beauty contestant at winner, si San Miguel, ay inakda ni Gloria Arroyo ayon sa kanyang panuntunan-ideal na kagandahang pisikal, nanggagaya, exportable, at kung gayon, purong ideal ng katawan, na tila hindi binahiran ng korapsyon bilang pagtatago sa sistematikong pangungurakot at pag-aaruga sa kanyang mafia. Tulad ng katawan ni Manny Pacquiao, ito ay may halaga lamang sa estado hanggang sa nagtatagumpay nang higit pang seduksyon at atraksyon sa aktwal na kapital. At ito rin ang sumpa ng katawan ni Arroyo, na ang pagkatagal na pagkapit sa bangkaroteng panungkulan at ang politikal na turmoil mula rito ay tatagos na sa ekonomiya, at ang kanyang sinasambit na statistika ng pag-angat ay isa-isa nang pinapaputok, tulad ng kumpiyansa ng negosyong nag-aakalang business-as-usual pa rin.

Retorikal ang pagtatapos sa interview portion sa beauty pageant. Ihuhudyat ng contestant na tapos na siya sa kanyang mumbo-jumbo sa katagang, “I thank you.” Na tunay namang rekognisyon sa hurado at estadong magbibigay-halaga at lehitimasyon sa kanyang katawan. Na kahit i-boo pa siya ng audience, na mayroong ibang manok na pambato, ay kinilala pa ring bilang ehemplo ng purong ideal na katawan kayang makapanghimok ng iba pang kapital at panlipunang lehitimasyon. Na kaya masakit itong panoorin ay dahil nasasapol nito ang ating kolektibong nararamdaman: ganito na ang kinahinatnan ng sistematikong pagkakait ng pambansang pondo at atensyon kahit pa ang fokus ay pagtatago ng sistematikong paggaganansya sa edukasyong mahalaga rito.

Sa politika, ito ang pinakamatagal na interregnum nang pagpapatalsik kay Arroyo. Hindi pa namamatay ang luma, hindi pa rin ipinapanganak ang bago. Kaya kailangan ng pagiging komadrona ng kasaysayan, hanggang tayo na ang pasigaw na magsabi kay Arroyo, “We thank you” para tapusin na ang dapat tapusin, at iwan na ang mabigat na entabladong pinapapasan sa mamamayan. Bulatlat

Share This Post