Isang Tula para kay Kasamang Beth Nuyad

NI FRANKIE DEL ROSARIO
Inilathala ng Bulatlat
TULA
Vol. VII, No. 15, May 20-26, 2007

Iginupo man ng kanser ang iyong dibdib,
ang tapang mo’y di nagmaliw
na kahit sa mga araw ng ligalig
at sa mga sandali ng iyong dalamhati
nagpatuloy ang alab ng iyong mithi:

Labanan! Puksain ang Kanser
na malaon nang kumapit
sa mga sakahan, sa pagawaan
nagluwal ng mga abang paslit
sinalanta maging ang kinabukasan
namumuksa,
lumalala,
pumapaslang!
Sakit ng nabubulok na sinanapupunan
ng lipunang malubha rin ang karamdaman.

Kahit ginupo man ng kanser ang iyong dibdib,
ang tapang mo’y di nawaglit.
Ang naramdaman mong kirot
ay sugat din ng bayang dinayukdok.
Babae kang hindi nagkasya na lang sa pagluluksa.
Ina kang ang mga api ang kinalinga –
hindi lang sariling mga supling ang inaruga.
Asawa kang may pag-ibig sa Bayan.
Lider kang tumindig sa bawat karapatang nilapastangan
Kasama kang nagsilbing huwaran.

Kasamang Beth,
Hindi ka ginupo
Ng lipunang malubha ang Kanser.

Mananatili kang buhay
sa aming mga alaala,
pagkat ang paglimot sa ating laban
ay isa ring kataksilan.

(Bulatlat.com)

*Si Ma’am Beth ay organisador ng mga unyon sa hanay ng empleyado ng pamahalaan. Hanggang sa kanyang kamatayan, nagsilbi siyang tagapagsalita ng Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees-Southern Mindanao Region (Courage-SMR).

Share This Post