Utang

NI JOI BARRIOS-LEBLANC*
Inilathala ng Bulatlat

Paano babayaran

Ang utang ng aking bayan?

Nakayapak ang batang sinanla

Para sa mga sapatos ng isang

Unang Ginang.

Putol ang kamay ng manggagawa,

Habang lumalambi-lambitin sa daliri

Ng dating Pangulo

Ang kanyang mahal na tabako.

Gula-gulanit ang katawan

Ng magsasakang naninibilhan

Sa air-conditioned na kuwadra

Sa asyenda ng madasaling

Bayani ng Edsa.

Paano babayaran

Ang utang ng aking bayan?

Sapat na ba ang kapirasong balat,

Isang tadyang,

Kalhating puso na sa pagsilang

Ay kabiyak na ng kahirapan?

Anong kinakailangan

Upang tumindig

Nang walang pagkakautang?

Taas noo,

At walang presyong nakakabit

Sa pagkatao?

Makibaka nang walang humpay,

Pagkat hindi tayo patatahimikin

Maging ng mga punglo ng estado.

Makibaka at ialay ang laman at dugo

Na tinatakal ng mga bansang

Mayaman at makapangyarihan,

Makibaka sa bawat pintig ng dibdib

Na kanilang inaakalang

Hawak nila sa kanilang mga kamay

Dahil sa pagkakautang.

Bakit babayaran ang utang

Na di taumbayan ang nakinabang?

Sa halip,

Maningil para sa bawat guhit ng ginto na ninakaw

Mula sa kabundukan,

Bawat galon ng langis na tumapon

At lumason sa dagat.

Bawat patak ng dugo ng ninuno

Na pinaslang sa ngalan ng paglusob

At pananakop.

At bakit di natin sila pagbabayarin?

Ang ating sinisingil na utang

Ay usapin ng dangal,

Utang na katarungan.


Inilathala ng
(Bulatlat.com)

*Si Joi Barrios-Leblanc ay Associate Professor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Kasapi siya ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan o New Patriotic Alliance) at International League of People��s Struggles (ILPS). Nasulat ang tulang ito pagkatapos dumalo ang may-akda sa isang panayam sa World Social Forum sa Nairobi noong Enero 2007.

Share This Post