How did I Spend My First Interrogation Night?

NI AXEL PINPIN
Inilathala ng Bulatlat.com

Madilim. Alangang mapusyaw na abuhin at itim.
Madilim. Madilim na madilim ang dulot ng piring.
Tumutulo ang aking uhog sa sangsang ng amoy ng tinta
Ng dyaryong ‘pinantakip at ipinulupot sa aking mukha
At saka waring pinalitadahan ng pagkit ng teyp
Na siyang tuluyang gumapi sa nalalabing ilaw.

Malamig. Dumadaiti ang lamig na dulot ng armalayt
Sa lagkit ng pawis sa aking noo. Malamig sa balat
At malagkit na malagkit ang upuang plastic
Na kumakaskas sa pawis ng siko kong nanginginig.
Ramdam ko ang pag-angat ng aking puwit sa tinig
At titig na matalim na waring naglalagos sa aking piring.

Sino ba kayong mga dumukot at nagdala sa akin dito?
Sino ba sa atin ang biktima at sino ang tagapagligtas?
Kayo ba ang kapwa ko biktimang bumibiktima
Sa mga tagapagligtas ng biktima? Sino? Sino kayo?
Bakit di tayo kapwa ipahamak ng putok ng inyong baril
At ng talas ng katotohanan ng tugmaan kong matatabil?

At kung tayo nga ay ipahamak, saka kapwa magpatawad.
Subalit di kailangang agad makalimot kahit nagpatawad,
Dahil mag-iiwan ng pangit na marka ang posas sa ‘king braso,
Dahil mag-iiwan ng ngitngit ang dulo ng baril sa ‘king sentido,
Dahil mag-iiwan ng dilim ang duwag na piring sa ‘king mata,
Dahil paghihigantihan ang tagapagligtas ng kanyang biktima!

A, kung gayo’y kayo nga ang matwid na tagapagligtas!
At kayo rin ang magiging biktima ng aming Kapatawaran!
Ay, kamatayan! O, kamatayang walang kasing tamis!
Ihimlay mo na ako kapiling ng tula ng mga gahis,
Sa ritmo at awit ng putok ng baril ng mga salarin,
At sa ngalit ng pagganti ng tugmaan kong matatabil!

Unang binigkas:
28 Abril 2006/gabi
lugar na di alam sa Metro Manila
na malapit sa airport at riles ng tren

Muling isinulat:
11 November 2006/ 0211hrs
Camp Vicente Lim

Inilathala ng (Bulatlat.com)

Share This Post